Wednesday, October 14, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

60-anyos arestado sa paulit-ulit na panggagahasa umano sa anak, apo sa Nueva Ecija

BABALA: SENSITIBONG BALITA

Arestado sa isinagawang operasyon ang isang 60-anyos na tatay na sangkot sa paulit-ulit umanong panggagahasa sa kanyang sariling anak at apo sa Cabanatuan City, Nueva Ecija noong Huwebes, Oktubre 8. Courtesy: PNP-CIDG via Cezar Galasi

CABANATUAN CITY, Nueva Ecija — Arestado sa isinagawang operasyon ang isang 60-anyos na tatay na sangkot sa paulit-ulit umanong panggagahasa sa kanyang sariling anak at apo sa Cabanatuan City, Nueva Ecija noong Huwebes, Oktubre 8.

Ayon sa CIDG, kabilang sa mga kasong kinahaharap ng suspek ang rape, rape by sexual assault, qualified statutory rape, acts of lasciviousness, at paglabag sa Republic Act No. 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

Walang inirekomendang piyansa para sa mga kasong rape at qualified statutory rape.

Umabot umano ng 11 taon ang pang-aabuso ng suspek sa kaniyang anak na babae, na nagsimula noong 10 taong gulang pa lamang ang biktima at nagpatuloy hanggang Mayo 2026.

Inakusahan din ang lalaki ng panggagahasa at seksuwal na pang-aabuso sa kaniyang apo, na 11 taong gulang umano nang magsimula ang mga insidente noong 2022 hanggang 2025.

Dahil sa umano’y mga pagbabanta ng suspek na huwag magsasabi sa sinuman, nanatiling lihim sa mahabang panahon ang sinapit ng dalawang biktima.

Gayunman, matapos ang huling insidente noong Mayo 2026 nang hindi na umano nakayanan ng anak ang trauma kaya nagsumbong siya sa kaniyang nakatatandang kapatid.

Agad na sinundo ng nakatatandang kapatid ang dalawang biktima mula sa Nueva Ecija at dinala sa Women and Children Complaints Unit (WCCU) ng CIDG sa Camp Crame upang humingi ng tulong.

Noong Hunyo 3, 2026, naghain ang CIDG-WCCU ng mga reklamong kriminal sa Tanggapan ng Piskal sa Cabanatuan City.

Naglabas naman ang korte ng 11 warrant of arrest laban sa suspek noong Oktubre 7.

Nadakip ang lalaki sa isinagawang manhunt operation ng CIDG-WCCU at CIDG Nueva Ecija Provincial Field Unit kinabukasan, Oktubre 8, dakong alas-10:16 ng umaga sa Cabanatuan City.

           

Leave a Reply