Saturday, October 17, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

Kawatan, nagkunwaring ‘jumingle’ bago tumangay ng e-trike sa Marikina

Sapul sa CCTV ang pagtangay ng hindi pa nakikilalang lalaki sa e-tricycle na ginagamit pang-deliver ng isang water refilling station sa Barangay Concepcion Dos, Marikina City nitong Biyernes, Oktubre 9.

Sa video, makikitang pasado alas-3:00 ng madaling araw nang umaaligid ang suspek sa tapat ng establisiyemento. Nagkunwari muna itong umihi sa gilid ng puting multicab na katabi ng e-trike bago nito tuluyang sinakyan at madaling napaandar dahil naiwanang may susi.

Nagising naman ang mga tauhan ng water refilling station at sinubukang habulin ang suspek pero hindi na nila ito naabutan.

“Ako po kasi yung gumagamit nun kaya nagulat na lang din po ako na umaandar na po yung e-bike. Hinarurot po niya talaga yung e-bike,” sabi ni John Joseph Checa, staff ng water refilling station.

Nagkakahalaga ng P65,000 ang ninakaw na sasakyan na magda-dalawang taon nang ginagamit sa negosyo.

Malaking perwisyo para sa may-ari ng water refilling station na si Ernest Joseph Santos ang insidente dahil kinailangan niya agad kumuha ng bagong unit para hindi maapektuhan ang kanilang operasyon.

“Bakit hindi ka lumaban nang patas? Mahuhuli ka rin naman lang mas mainam sumurrender ka na lang at isauli mo sa amin yung e-bike,” mensahe niya sa suspek.

“Willing ako magbigay ng pabuya na halagang sampung libong piso kung sino ang makakapagturo sa taong kumuha ng aming e-bike,” dagdag ng may-ari.

Agad namang nagpasaklolo sa barangay at pulisya ang may-ari at mga tauhan nito.

Ayon sa barangay, pamilyar sa kanila ang suspek na kanila nang nasita noong Abril dahil sa pangangalakal sa kanilang lugar nang dis-oras ng gabi.

“As much as possible makuha agad. Kalakal kunware, nagnanakaw (pala). Kung may pagkakataon na magnakaw gagawin niya. Dayo ‘yan,” ani Nonie Abadam, executive officer ng Barangay Concepcion Dos.

Nagpaalala naman ang mga awtoridad sa publiko na tiyaking nasa ligtas na lugar ang mga sasakyan at naialis ang susi bago iwan.

Patuloy ang follow-up operation ng Marikina Police para madakip ang suspek na mahaharap sa kasong carnapping.

Leave a Reply