PANOORIN: Gladys Reyes pinagsasampal ang TVP anchors?!
MANILA — Bumisita sa TV Patrol at TV Patrol Express set nitong Miyerkoles, Oktubre 14, si Gladys Reyes kung saan gumanap rin ito bilang guest star-patroller ng programa.
Pero kasabay ng kaniyang guesting, pinagsasampal ni Reyes ang ilang TV Patrol anchors kabilang na sina Jeff Canoy, Karen Davila, at Alvin Elchico para “masubukan” umano ang pananampal ng isang kontrabida.
Bumisita sa TV Patrol si Reyes para i-promote ang kaniyang kauna-unahang kantang “Primera Kontrabida” sa ilalim ng record label na Star Pop PH.
Bago ilabas ang nasabing kanta, kilala na sa entertainment industry si Reyes sa pagganap sa mga kontrabida na kalaunan ay tumatatak sa larangan ng pag-arte tulad ng kaniyang karakter na si Clara sa teleserye noong 1990s na “Mara Clara.”