Pastor na nang-molestya umano ng 3 batang miyembro arestado
Arestado ang isang 51-anyos na pastor dahil umano sa pangmomolestya sa tatlo nitong menor de edad na miyembro sa loob mismo ng simbahan.
Sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Marikina City Family Court Branch 7, inaresto ang pastor sa isang clubhouse sa Baras, Rizal nitong Miyerkoles ng hapon, Oktubre 14.
Itinuturing siya bilang Top 2 most wanted person ng Marikina City Police Station para sa buwan ng Oktubre.
Lumalabas sa imbestigasyon na noong 2023 naganap ang umano’y pangmomolestya ng pastor sa tatlong babaeng miyembro na edad 8, 9, at 15-anyos.
Napag-alamang hindi lang umano isang beses naranasan ng 15-anyos na dalagita ang pananamantala ng akusado dahil umabot pa ito hanggang 2024.
“Nangyari po ‘yung pang mo-molestya po sa kanila based on record immediately after na magkaroon po sila ng simba roon mismo sa compound,” ani Police Colonel Jenny Tecson na Chief of Police ng Marikina City Police Station.
Ayon sa pulisya, April 2026 nang pormal na nakapagsampa ng reklamo ang kaanak ng mga biktima at nailabas ang warrant of arrest ng October 8.
“Usually yan sa takot, hindi talaga agad-agad yan, until such time na nagkaroon na sila ng lakas ng loob or may makakita. Kung minsan nagagamit yung katungkulan ng isang akusado or yung inirereklamo. Nagkakaroon ng taking advantage of their position,” paliwanag ni PCol. Tecson.
Itinanggi naman ng akusado ang paratang at sinabing posibleng nag-ugat ang reklamo sa hindi lamang pagkakaunawaan.
“Ang luwag-luwag maraming tao. Nakakalungkot lang, they are my friends. We are close. Ikaw na ‘yung tumulong, ganito pa isusukli sa’yo. Patawarin tayo ng Diyos, wala po, wala. Ano pong panalangin niyo ngayon? Para patawarin. Forgive us, as we forgive those who trespass against us,” depensa ng akusado.
Para naman sa mga nakararanas ng anumang klase ng pang-aabuso, tumawag lang sa unified emergency hotline na 911 para sa agarang saklolo.
“Dial lang po nila, hindi nila kailangang magpa-load. Mayroong kaagad sasagot sa ating operation center at yan po ay kanilang ididiretsong itawag sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya,” dagdag pa ni PCol. Tecson.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang akusado na nahaharap sa four counts ng Statutory Acts of Lasciviousness na may inirekomendang piyansa na P432,000.