Teenager na gumagamit umano ng shabu, isinumbong ng ina sa pulisya
Isinumbong ng isang ina sa pulisya ang kaniyang 19-anyos na anak matapos umano niya itong makitang gumagamit ng shabu sa isang bahay sa Mapaoay, Ipil, Tabuk City, Kalinga noong Martes ng gabi.
Ayon sa Kalinga police, rumesponde sila dakong alas-6:50 ng gabi matapos makatanggap ng ulat tungkol sa umano’y paggamit ng ilegal na droga.
Nakita umano ng ina ang kaniyang anak, na isang karpintero, habang gumagamit ng hinihinalang shabu sa isang bahay malapit sa kanilang tirahan.
Humingi ng tulong ang ina sa kaniyang kapatid na pulis, na siyang nag-ulat sa insidente sa Tabuk City Police Station.
Itinuro ng ina sa mga rumespondeng pulis ang kinaroroonan ng kaniyang anak. Naabutan umano ng mga awtoridad ang 19-anyos na lalaki habang gumagamit ng hinihinalang ilegal na droga.
Ayon sa pulisya, nakumpiska sa operasyon ang hinihinalang ilegal na droga at ibang drug paraphernalia.
Dinala ang suspek sa Tabuk City Police Station para sa dokumentasyon at paghahanda ng kasong may kaugnayan sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
“Patuloy namang pinaaalalahanan ng Kalinga Police Provincial Office ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad sa pamamagitan ng pagsumbong sa mga kahina-hinalang aktibidad na may kaugnayan sa ilegal na droga,” sabi ng pulisya.