Saturday, November 7, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

Babae sa ref: Person of interest sa kaso, arestado

Courtesy: Rodriguez police

Naaresto ng pulisya ang 32-anyos na lalaking huling nakasama ng babaeng natagpuang patay sa loob ng refrigerator sa isang apartment unit sa Rodriguez, Rizal noong Setyembre.

Natunton ang lalaki sa loob ng isang kotse na nakaparada sa tapat ng isang convenience store sa Cubao, Quezon City nitong Huwebes ng gabi, Oktubre 15, sa tulong ng informant.

Inaresto siya sa bisa ng warrant of arrest sa kasong serious illegal detention na walang inirekemondang piyansa.

Kasambahay ng babaeng biktima ang naghain ng reklamo laban sa lalaki matapos umano itong hindi paalisin sa bahay noong 2025.  

“Allegedly na-commit po ng ating POI (person of interest) sa Parañaque City. Ang nag-file po ng kasong ito ay yung kasambahay po nung biktimang patay dito sa ating area of responsibility dito sa Rodriguez,” sabi ni Rodriguez police chief PLtCol. Arwyn Gaffud. 

 

Itinuturing na person of interest ang lalaki sa kaso ng babaeng natagpuang patay sa loob ng refrigerator sa isang apartment unit sa Barangay San Jose noong Setyembre dahil siya ang kasamang nag-move in sa unit, ayon sa mga testigo.

Nakakulong na sa custodial facility ng Rodriguez Municipal Police Station ang akusado na tumanggi munang mabigay ng pahayag.

“Ang sabi lang niya sa atin ay wala siya roon  sa mga oras na iyon. Wala raw po siya sa area nung nangyari ung insidente. Bibigyan sya ng pagkakataong magpaliwanag,” sabi ni Gaffud.

Nasa kustodiya na rin ng pulisya ang ginamit nitong kotse at isinailalim na sa inspeksyon.

Kumakalap pa ng mga ebidensya at naghihintay ng kaukulang dokumento ang pulisya para masampahan ng reklamong murder ang lalaki. 

“Hihintayin po natin yung result ng DNA exam (ng biktima), after that we willl submit yung case folder na yun sa provincial prosecutor ng Rizal sa kasong murder,” paliwanag ni PLtCol. Gaffud.

Patuloy naman ang masusing imbestigasyon ng pulisya sa kaso.

“Para ho mabigyan ng justice po yung pagkamatay ng biktima at pamilya ng biktima,” dagdag pa ng pulisya.

Sinusubukan pang kuhanan ng pahayag ng ABS-CBN News ang kaanak ng biktima.