Pamilya ng babaeng nabagsakan ng puno sa QC, nananawagan ng kasagutan sa lokal na pamahalaan
Nananawagan ng kasagutan at tulong pinansyal ang pamilya ng babaeng nabagsakan ng puno ng Balete sa NIA Road, Bgy. Pinyahan, Quezon City.
Nasawi si Ryshiele Mendoza, 23, noong Setyembre 24, kasagsagan ng malakas na buhos ng ulan at hangin sa lungsod.
Si Ryshiele ay bagong psychology graduate at pang-apat sa siyam na anak ng pamilya Mendoza.
Kuwento ng nanay na si Shiela Marie Mendoza, umalis ng bahay si Ryshiele para asikasuhin ang kanyang medical requirement para sa kanyang bagong trabaho.
Maganda pa ang panahon noon kaya sinabihan niya ang anak na puwede pa siya bumiyahe para umabot sa kanyang medical.
Hindi umano nila lubos akalain na aabutan siya ng masamang panahon na kanyang ikinasawi, matapos mabagsakan ng puno habang siya ay sumisilong mula sa malakas na ulan.
“For medical sana po siya nung araw na yun, galing siya sa taas [ng bahay] tapos nagpaalam pa sa akin sabi nya ‘mama, medical ko ngayon tutuloy ko pa ba? kaya paba ng time?’ eh alas dose palang naman noon at maganda pa ang panahon so sabi namin ng ate niya, ‘oo kaya pa ng oras,” kwento ni Mendoza.
“Naiiyak ako kasi sana hindi ko siya pinayagang umalis,” dagdag niya.
Laking gulat nalang aniya nang pinuntahan sila ng opisyal ng kanilang barangay para sabihin na isinugod sa ospital ang anak matapos nabagsakan ng puno.
“Ang sabi ay unconscious, so pagbaba ko po dito [sa bahay], umiiyak na ako naiisip ko na ano nangyari sa anak ko,” sabi ni Mendoza.
“Pagdating ko doon [sa ospital] pumunta kami sa emergency hanggang sa nakasalubong namin yung asawa ko sa baba tapos sinabi ng asawa ko na wala na si Ryshiele, iyakan na kami,” dagdag niya.
Masakit anila para sa pamilya na sa murang edad na 23 ay mawawalay sila sa anak.
“Pagbaba po doon tulala lang po ako, hindi ako makapaniwala iniisip ko panaginip lang. Napakasakit na yung anak ko umalis dito sa bahay, sexy maganda, tapos noong makita ko siya, yung ano na yung katawan niya lumobo na yung katawan niya na parang hindi na siya,” sabi ni Mendoza.
Nagpaabot naman ng mga paunang tulong ang lokal na pamahalaan ng Caloocan, kinatawan ng DPWH at maging ang barangay chairman ng Brgy. Pinyahan na si Ricardo Villaflor sa pamilya Mendoza.
Pero ayon sa naulilang ina, mahalaga sa kanila na makakuha ng danyos at kasagutan mula mismo sa lokal na pamahalaan ng Quezon City, kung sino ang posibleng nagkulang sa pag-iingat at kung papaano nahantong na nabuwal ang punong iyon sa isa sa pangunahing kalsada sa lungsod.
“Sana sa QC [LGU] sana man lang ayusin nila, hindi yan mangyayari kung hindi sila nagpabaya, alam ninyong babaan yan ng bus sana man lang may mga bench, may protection, sa mga pasahero,” giit ng ina ng biktima.
“Yung puno eh nakadikit na lamang sa pader na delikado na patumba na. Maganda po icheck nila lahat ng puno doon kasi dambulahang bulok na puno na yun, pwede naman magtanim ulit. Kawawa ang mga magulang na naghirap, nagtiis, simula maliit yan ayaw ko masugatan, ayoko madapuhan ng lamok, tapos ganun mawawalan lang ako bigla ng anak dahil sa kapabayaan lang nila. Ayoko maranasan ng ibang mga magulang ang naranasan ko,” dagdag niya.
Sinubukan namang hingan ng pahayag ng ABS-CBN News ang lokal na pamahalaan ng Quezon City ngunit wala pa silang tugon sa ngayon.