Tip box ng fruit shake stand tinangay ng delivery rider
Sapul sa CCTV ang pagtangay ng isang delivery rider sa tip box ng isang fruit shake stand sa Barangay Pinagbuhatan, Pasig City nitong Lunes, Oktubre 12.
Kita sa video ang suspek na nakaupo at naghihintay ng order sa harap ng tindahan ng fruit shake.
Maya-maya ay pasimple na niyang kinuha ang tip box ng tindahan at dumiretso sa isang motorsiklong may rider.
Iniligay niya ang kanyang helmet sa loob ng insulated bag ng motorsiklo at agad din itong kinuha at bumalik sa tindahan.
Naitago na pala ng suspek ang tip box na may lamang nasa P2,000.
“Yung helmet, yun yung ginawa niyang parang bag. Napatingin siya sa CCTV namin, nagulat siya. Yung helmet niya napansin ko binaba niya,” ani Clark Alvaniz na may-ari ng tindahan.
“Yung mata po niya parang hindi siya mapagkakatiwalaan, ang likot ng mata niya. Yung last customer ang sabi, beh wala kayong tip box? Maglalagay kasi sana siya. Siyempre pinagpaguran din namin yon. Malaking tulong na rin yun sa amin,” sabi naman ni Cassey Sumondong na staff ng fruit shake stand.
Nakikipag-ugnayan na ang may-ari ng fruit shake stand sa deliver app para matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek.
“Nag-email naman po sila, tumawag sila, hiningi nila yung details. Inaantay ko pa po yung full action nila,” ani Alvaniz.
Nai-report na rin sa awtoridad ng biktima ang insidente.
“Kami po ay tumutulong sa backtracking. Unang-una sa mga CCTV para maresolba yung inirereklamo. Hindi natin kabisado ang galaw ng mga tao, lalo ngayon magpapasko marami po talagang naglipana po diyan,” pahayag ni Alberto Alonzo na Team Leader ng Barangay Pinagbuhatan Security Force.
Patuloy pang pinaghahanap ang suspek na mahaharap sa reklamong theft.