Lalaking umano’y miyembro ng TBS, arestado sa Tondo matapos makuhanan ng baril
MANILA – Arestado ang isang 37-anyos na lalaki matapos makuhanan ng isang improvised firearm at 17 bala sa Tondo, Maynila, madaling araw nitong Huwebes, Oktubre 15.
Ayon sa Manila Police District (MPD) Raxabago Police Station, dakong alas-3:20 ng madaling araw nang mamataan ng mga pulis ang suspek malapit sa isang kainan sa Sta. Maria Street corner Franco Street, Barangay 76, habang nagsasagawa ng Oplan Galugad.
Nabatid na may nagtimbre sa comment section ng isang Facebook Live tungkol sa suspek sa lugar. Agad itong pinuntahan at sinuri ng mga pulis.
Batay sa police report, pinara umano ang suspek para sa beripikasyon ngunit hindi ito nakapagpakita ng identification card at tumangging makipagtulungan sa mga awtoridad. Tinangka rin umano nitong tumakas kaya nagsagawa ang mga pulis ng stop-and-frisk.
Dito narekober mula sa kanang baywang ng shorts ng suspek ang isang improvised firearm na kahawig ng Uzi, isang magazine at 17 bala ng kalibre .22.
ISINANLA LANG UMANO ANG BARIL
Itinanggi ng suspek na pag-aari niya ang nakumpiskang baril at sinabing isinangla sakanya ng hindi niya kilalang tao ang baril sa halagang P500.
“Hindi ho. Naisangla lang ho sa akin yun,” sagot niya nang tanungin kung sa kaniya ang baril.
Inamin naman ng suspek na miyembro siya ng True Brown Style o TBS, at sinabing matagal na siyang kasapi ng grupo.
“TBS ako. Tagal na. 2008,” aniya.
Bilang patunay umano ng kaniyang pagiging miyembro, ipinakita rin niya ang peklat sa kaniyang daliri na ayon sa kaniya ay mula sa pagsunog dito gamit ang sigarilyo.
Itinanggi rin ng suspek ang mga alegasyong sangkot sa mga kriminal na aktibidad ang kanilang grupo.
“Hindi ho totoo yun. Marami namang TBS na makakapagpatunay na hindi naman talaga totoo yung mga sinasabi,” aniya.
“Maraming TBS na matino,” dagdag pa niya.
Matatandaang sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla na tinututukan ng pamahalaan ang TBS dahil sa mga alegasyon ng pagkakasangkot ng ilang miyembro nito sa mga kriminal na aktibidad.
Kabilang sa mga alegasyong binanggit ni Remulla ang umano’y pagre-recruit ng mga menor de edad at pagsasangkot sa kanila sa mga krimen, gaya ng pagnanakaw sa mga convenience store bilang bahagi ng initiation rites.
Gayunman, iginiit ng suspek na hindi totoo ang mga paratang laban sa kanilang grupo.
Samantala, nahaharap ang suspek sa reklamong paglabag sa Article 151 ng Revised Penal Code o resistance and disobedience to a person in authority, at Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Ayon sa pulisya, inihahanda na ang mga kaukulang dokumento para sa inquest proceedings sa Manila Prosecutor’s Office.