QC LGU humingi ng paumanhin sa pamilya ng babaeng nasawi sa pagbagsak ng puno
MAYNILA — Humingi ng paumanhin ang Quezon City government sa pamilya ni Ryshiele Mendoza — ang babaeng nasawi matapos siyang mabagsakan ng puno ng Balete sa NIA Road, Bgy. Pinayahan sa Quezon City noong nakaraang buwan.
Sa isang pahayag, sinabi ng lokal na pamahalaan na taos-puso itong nakikiramay sa pamilya ni Mendoza at nauunawaan ang kanilang panawagan para sa katotohanan, pananagutan, at katarungan.
Nasawi si Mendoza matapos mabagsakan ng puno noong Setyembre 24, sa kasagsagan ng malakas na ulan.
Batay sa imbestigasyon ng lokal na pamahalaan, ang lupang kinatatayuan ng puno ay pagmamay-ari at nasa administrasyon ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Nagbigay na rin umano ng kaukulang tulong ang ahensya sa pamilya ni Mendoza.
Nangako ang lokal na pamahalaan na handa silang umalalay sa pamilya ni Mendoza sa pakikipag-ugnayan sa QCPD, DPWH, at Caloocan City government para sa anumang kinakailangang paglilinaw sa pangyayari.
Dagdag na paliwanag ng lokal na pamahalaan, agad sinaklolohan ng mga tauhan ng Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Office (QCDRRMO) si Mendoza at isinugod sa ospital, ngunit binawian rin siya ng buhay.
Dahil residente ng Caloocan City si Mendoza, nakipagugnayan ang Quezon City Social Services and Development Department (QCSSDD) sa lokal na pamahalaan ng Caloocan, na siyang nagbigay ng tulong pinansyal sa pamilya ng biktima.
Dagdag pa ng lokal na pamahalaan, naunang nagpahayag ang ama ni Mendoza at lumagda sa isang waiver ng Quezon city police district na nagsasaad na wala silang interes na ipaimbestigahan pa ang insidente, dahil naniniwala silang aksidente ito at walang naganap na foul play.
Gayunman, sinabi ng Quezon City government na nauunawaan nito ang kasalukuyang panawagan ng pamilya para sa karagdagang paglilinaw at pananagutan at nangakong aalalayan ang pamilya.