3 araw na road reblocking sa EDSA nagdulot ng matinding trapiko
Matinding trapiko ang sumalubong sa mga motorista ngayong Sabado ng hapon.
Bunsod ito ng tatlong araw na road reblocking dahil sa phase 2 ng EDSA rehabilitation.
Mula sa bahagi ng Cloverleaf, sarado na ang nasa dalawa hanggang tatlong inner lanes.
Kaya naman mabigat na daloy ng sasakyan ang sumalubong sa mga motoristang galing ng Caloocan o kaya ng North Luzon Expressway.
Sa abiso ng DPWH-NCR, October 16 hanggang October 18 ang reblocking at road closure ng EDSA bus lane at katabi nitong lane sa EDSA Monumento hanggang A De Jesus road, EDSA Balintawak hanggang Roosevelt at EDSA Kaingin road hanggang North Avenue.
Problemado ngayon ang ilang mga rider at trucker dahil nag-uubos sila ng mas maraming oras, pagod at gasolina sa matinding traffic.
Ayon naman sa DPWH, bubuksan muli para sa mga motorista ang lahat ng Lanes ng EDSA sa Lunes, alas singko ng umaga.