Thursday, October 22, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

Lola patay, 4 sugatan nang araruhin ng SUV ang isang bahay sa Taytay

TAYTAY, Rizal — Nasawi ang isang 65-anyos na babaeng senior citizen habang sugatan ang apat na iba pa matapos araruhin ng isang sports utility vehicle ang grupo ng mga residenteng nagkukwentuhan sa labas ng isang bahay sa Barangay Dolores, Taytay, Rizal nitong Sabado ng umaga, Oktubre 17.

Ayon sa imbestigasyon ng Taytay Municipal Police Station, mula sa isang bahagi ng naturang barangay at pauwi na sa Antipolo City ang 71-anyos na driver at dalawang pasahero nito nang biglang pumalya ang preno ng sasakyan. 

“Nagkaroon po ng loose brakes ‘yung sasakyan. Galing po sila dito sa bandang Tikling, pauwi na… Nawalan ng preno,” ayon kay Police Captain Shayjed Sapitula, chief of operations ng Taytay MPS.

Nakuhanan sa CCTV ganap na alas-8:37 ng umaga ang insidente. Nakita pa ng nasawing lola ang mabilis na pagdating ng SUV ngunit hindi na nakatakbo mula sa pagkakaupo. Nahagip din ng sasakyan ang isang 48-anyos na babaeng dumadaan lang sa lugar.

Makikita rin sa video ang pagpupulasan ng iba pang residente habang nag-aatras-abante pa ang sumalpok na SUV matapos ang pagbangga.

Dinala sa Rizal Provincial Hospital ang matandang biktima ngunit dahil walang CT scan doon ay inilipat ito sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center, kung saan idineklarang dead on arrival dahil sa malalang head injury. 

Ligtas naman sa mga sugat sa talukap ng mata at gasgas ang nahagip na 48-anyos na pedestrian, habang nagtamo rin ng minor injuries ang driver at ang dalawang pasahero nitong edad 36 at 12.

Hindi na magsasampa ng kasong reckless imprudence resulting in homicide at physical injuries ang pamilya ng mga biktima matapos makipagkasundo sa driver.

“Nagkaroon naman po sila ng amicable settlement kanina na ‘yung lahat ng gastusin sa ospital at saka doon sa burial ay sasagutin na lang ng driver,” ani Sapitula.

“Paalala po natin sa mga driver natin na laging i-check ‘yung kanilang mga sasakyan para maiwasan ang mga ganitong insidente,” dagdag pa nito.

RELATED VIDEO:

Leave a Reply