2 suspek sa gunrunning sa Taguig arestado
ABS-CBN News/FileMAYNILA — Arestado ng Regional Intelligence Division (RID) ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang dalawang lalaki dahil sa umano’y ilegal na bentahan ng baril sa Taguig City noong Sabado, Oktubre 17.
Iniimbestigahan din ang posibleng pagkakasangkot ng isa sa mga suspek sa serye ng mga panghoholdap sa mga convenience store sa Parañaque at Mandaluyong, gayundin sa iba pang ilegal na aktibidad.
Sa ulat ng NCRPO, dakong 5:30 ng madaling-araw nang magsagawa ng operasyon ang mga operatiba ng RID Anti-Terrorism Task Group, katuwang ang mga tauhan ng Parañaque at Mandaluyong police, sa Tambakan, Caritas Road, Barangay Calzada, Taguig.
Naaresto ang dalawang 20-anyos na suspek matapos umanong iabot ng isa sa kanila sa isang undercover operative ang isang kalibre .38 na baril bilang bahagi ng napagkasunduang transaksiyon na nagkakahalaga ng P10,000.
Nasamsam sa operasyon ang isang .38 revolver, anim na bala, marked money, at isang motorsiklong na umano’y ginagamit ng mga suspek.
Ayon sa NCRPO, palalalimin pa nila ang imbestigasyon upang matukoy kung may iba pang krimeng kinasasangkutan ang mga naaresto at kung may iba pa silang kasabwat.
“Iche-check natin yung kanilang involvement sa ibang krimen. Uulitin ko, yung firearm kasi, it’s one firearm na na-remove natin, natanggal natin sa kalsada para makagawa ng krimen. So, possibly, there are other criminal activities they might be involved in,” ani NCRPO Regional Director Brig. Gen. Christopher Abrahano.
Batay sa paunang imbestigasyon, iniuugnay ang mga suspek sa umano’y panghoholdap sa dalawang convenience store sa Parañaque at Mandaluyong noong Oktubre 8.
Sa kuha ng CCTV sa Mandaluyong, makikitang pinasok ng mga suspek ang isang tindahan at kinuha ang pera sa kaha.
Sa isa pang convenience store sa Parañaque, makikita naman sa CCTV ang isang lalaking nanutok umano ng baril sa babaeng kahera upang hindi ito makapalag.
Ayon sa salaysay ng biktima, natakot siyang kumilos matapos siyang tutukan ng baril at pagbantaan.
Tinatayang hindi bababa sa P20,000 ang natangay sa dalawang tindahan.
Lumilitaw din sa mga rekord na isa sa mga suspek ay dati nang naaresto noong Agosto 2023 dahil sa umano’y paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, noong menor de edad pa siya. Pinalaya naman umano siya mula sa isang youth care facility noong Marso 2025.
“Dalawa yung nahuli natin. We do not discount the possibility that there are other members of this group,” ani Abrahano.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang dalawang naarestong suspek.
Nahaharap sila sa mga kasong may kaugnayan sa ilegal na pagmamay-ari, paggamit at bentahan ng mga baril at bala, alinsunod sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Isinumite na rin sa forensic ballistics examination ang nakumpiskang baril at mga bala upang matukoy kung may kaugnayan ang mga ito sa iba pang krimen.