Saturday, November 7, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

Delivery truck nasunog sa garahe ng bodega sa San Nicolas, Maynila

Nasunog ang isang delivery truck sa loob ng garahe ng isang bodega sa Barcelona Street, Barangay 274, San Nicolas, Maynila madaling araw ng Lunes, Oktubre 19. Eon Sanchez, ABS-CBN News

MAYNILA — Nasunog ang isang delivery truck sa loob ng garahe ng isang bodega sa Barcelona Street, Barangay 274, San Nicolas, Maynila madaling araw ng Lunes, Oktubre 19.

Ligtas at walang naiulat na nasugatan o nasawi sa insidente.

Ayon sa ulat ng mga awtoridad, naitala ang sunog bandang 3:26 ng madaling araw at mabilis ding naapula ang apoy pagpaitas ng 3:33 ng madaling araw.

Inihayag ng caretaker ng lugar na nagising na lamang siya nang bulabugin ng kapitbahay dahil sa lumalaking apoy.

“Ginising lang po ako ng kapitbahay ko. Akala ko nga may away. Sabi nila may nasusunog daw. Pagkabukas ko ng gate, nasa dulo po yung truck na maliit. Nakita ko po malaki na yung apoy,” anang caretaker.

Ayon pa sa kanya, ginagamit ang naturang truck sa paghahatid ng mga kargamento ngunit hindi niya matukoy ang mismong laman nito nang sumiklab ang sunog.

“Kinakargahan po yan ng mga ponagdedeliveran nila. Hindi ko po alam kung anong mga stock.”

Paliwanag pa ng tagapangalaga, naka-secure ang buong bodega nang isara niya ito bandang 7:00 ng gabi nitong Linggo kaya hindi pa rin malinaw kung ano ang pinagmulan ng apoy.

Kasalukuyan nang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP) upang alamin ang sanhi ng sunog at ang kabuuang halaga ng naipinsalang ari-arian.