Grade 6 learner sinaksak ng kamag-aral sa Cagayan de Oro
CAGAYAN DE ORO CITY — Isang Grade 6 learner ang sinaksak ng kaniyang kamag-aral gamit ang folding knife habang naglalakad patungo sa kanilang silid-aralan sa Macabalan Elementary School sa Barangay Macabalan, Cagayan de Oro City, Byernes nang umaga.
Agad na isinugod sa ospital ang biktima para sa agarang gamutan na nagtamo nang sugat sa may bandang likod.
Batay sa ulat, inatake umano mula sa likuran ng kapwa Grade 6 learner ang biktima habang papunta ito sa silid-aralan sa ikatlong palapag ng gusali.
Ayon kay Police Capt. Emelita Simeon, spokesperson nang Cagayan de Oro City Police Office batay sa kanilang imbestigasyon nasa loob ng bag ng suspek ang ginamit na folding knife ngunit hindi ito na-inspeksiyon dahil maaga itong dumating sa paaralan.
Ayon kay Simeon, mas paiigtingin pa ng paaralan ang pagbabantay at mga hakbang sa seguridad upang maiwasan ang kahalintulad na insidente, kabilang ang mas mahigpit na pag-inspeksiyon sa mga gamit ng mga mag-aaral.
Samantala, tiniyak ni Alikhan Sultan, pangulo ng School Parents-Teachers Association, na makikipagtulungan ang mga magulang sa pagbabantay sa paaralan.
Sinabi rin ni Sultan na tutulong silang magkumpiska ng mga bagay na maaaring gamitin upang makapanakit ng kapwa mag-aaral.
Nauna nang sinabi ni Caguindangan Doque, school principal ng Macabalan Elementary School, na nagsasagawa na ang paaralan ng mga intervention upang matugunan at maiwasan ang bullying na syang pinaniniwalaang dahilan nang pananaksak.
Gayunman, hindi pa nakukumpirma kung may direktang kaugnayan ang bullying sa insidente ng pananaksak.
Sa isang pahayag, binigyang-diin ng Cagayan de Oro City Police Office ang epekto ng bullying sa emosyonal at mental na kalusugan ng mga bata.
Nanawagan din ang pulisya sa publiko na iwasang magpakalat ng impormasyong hindi pa beripikado at unahin ang kapakanan at pribasiya ng mga menor de edad na sangkot sa insidente.