Saturday, November 7, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

Nakasinding kandila sa altar sanhi ng sunog sa QC; 2 bahay natupok

Ayon sa may-ari ng isa sa mga bahay na si Ma. Cecilia Hilado Peronilla, nagsimula ang sunog sa loob ng kanyang kuwarto habang nagpapatugtog siya ng piano matapos umanong matumba ang isang nakasinding kandila. Contributed via Bea Cuadra, ABS-CBN News

MAYNILA — Dalawang bahay ang natupok sa sunog na sumiklab sa isang residential area sa Maya Street, Barangay Phil-Am, Quezon City madaling araw ng Lunes, Oktubre 19.

Tuluyang naapula ang apoy bandang 6:07 ng umaga matapos itaas sa unang alarma at respondehan ng humigit-kumulang 19 na firetrucks mula sa Bureau of Fire Protection (BFP) at fire volunteers.

Wala namang naiulat na nasaktan o nasawi sa insidente.

Ayon sa may-ari ng isa sa mga bahay na si Ma. Cecilia Hilado Peronilla, nagsimula ang sunog sa loob ng kanyang kuwarto habang nagpapatugtog siya ng piano matapos umanong matumba ang isang nakasinding kandila.

“I was playing the piano… all of a sudden, I heard an explosion in the room. And I remembered near the Sacred Heart, I have a lighted candle. Maybe it fell… when I entered the room, it was already smoking… So I rushed to the barangay to ask for help. When I came back, there was a big fire already,” paliwanag ni Peronilla.

Ibinahagi naman ng construction worker na si Bobby Cajudo na nagising siya sa ingay bago nakita ang mabilis na pagkalat ng apoy sa kapitbahay.

“No’ng magising ako… parang may naglalaglagan… Nakita ko malaki na sunog dito sa kabilang bahay,” ani Cajudo, habang idinagdag na sinubukan pa nilang apulahin ng tubig ang apoy ngunit masyado na itong malakas. “Nag-ano kami ng tubig… Masyado na malaki yung apoy, kaya hindi na kinaya.”

Nadamay at natupok din ang katabing bahay sa naturang insidente.

Patuloy na iniimbestigahan ng BFP ang eksaktong sanhi ng sunog at ang kabuuang halaga ng naipinsalang ari-arian.

KAUGNAY NA VIDEO