Saturday, October 31, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

2 magsasaka patay matapos malunod sa ritwal sa Sarangani

Patay ang dalawang magsasaka matapos malunod sa Glamang River sa Barangay Datal Anggas, Alabel, Sarangani Province noong Biyernes, habang nagsasagawa ng isang ritwal ng tribung B’laan kaugnay ng alitan sa pagmamay-ari ng lupa. Courtesy: Regie Gadiana via Al Saludo

KORONADAL CITY — Patay ang dalawang magsasaka matapos malunod sa Glamang River sa Barangay Datal Anggas, Alabel, Sarangani Province noong Biyernes habang nagsasagawa ng isang ritwal ng tribung B’laan kaugnay ng alitan sa pagmamay-ari ng lupa.

Ayon sa Alabel Police, 69 at 49 anyos ang mga biktima at kapwa residente ng nasabing barangay.

Sumailalim ang dalawa sa ritwal na tinatawag na “Sulif” upang matukoy kung sino sa kanila ang tunay na may-ari ng lupang pinagtatalunan.

Batay sa paniniwala ng tribu, ang unang umahon mula sa tubig ang itinuturing na nagsisinungaling, habang ang huling umahon ang itinuturing na nagwagi at tunay na may-ari ng lupa.

Dakong alas-10 ng umaga nang isagawa ang ritwal. Matapos umanong manatili sa ilalim ng tubig nang humigit-kumulang 10 minuto, natuklasang nahihirapan nang huminga ang dalawang magsasaka.

Agad silang isinugod sa ospital, ngunit unang namatay ang 69-anyos na biktima. Ilang oras makalipas, binawian din ng buhay ang 49-anyos na magsasaka.

Patuloy na iniimbestigahan ng Alabel Police ang insidente upang matukoy kung sino ang maaaring managot sa pagkamatay ng dalawa.

           

Leave a Reply