Construction worker arestado sa umano’y pananamantala sa dalagitang anak sa Cainta
Arestado ang isang 34-anyos na construction worker dahil sa umano’y pangmo-molestya sa kaniyang menor de edad na anak sa Cainta, Rizal. Courtesy: Cainta MPS via Christopher Sitson, ABS-CBN NewsMAYNILA — Arestado ang isang 34-anyos na construction worker dahil sa umano’y pangmo-molestya sa kaniyang menor de edad na anak sa Cainta, Rizal.
Ayon sa pulisya, ilang beses umano naulit ang insidente sa pagitan ng ama at ng noo’y 12-anyos niyang anak hanggang tuluyang nagsampa ng reklamo ang misis laban sa mister noong Setyembre 2023.
“Ito po ay reklamo ng kanyang asawa na inakusahan siya. Itong kaso pong ito ay nangyari sa loob mismo ng kanilang tahanan. Sinabi mismo ng huli (akusado) natin, yung nanay ay nakita niya mismo, caught in the act ng nanay. According sa nagreklamo, ito ay nakita niya mismo na ginawa sa kanyang anak,” ani Police Major Ricarte Tangdol, Officer-in-Charge ng Cainta Municipal Police Station.
Kusang isinuko ng magulang sa tracker team ng Cainta Police ang akusado noong Sabado, Oktubre 17, nang mailabas ang warrant of arrest.
“Noong nalaman po nila na mayroon pong warrant of arrest ang kanilang anak, sila po ay nakipag-ugnayan dito sa ating himpilan. Maganda. Isa itong halimbawa na tayo ay tumatalima sa batas,” ani Tangdol.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang akusado na nahaharap sa kasong dalawang count ng Acts of Lasciviousness at dalawang count ng Sexual Assault na may inirekomendang piyansa na P720,000.
Tumanggi siyang magbigay ng pahayag sa mga paratang.
Nanawagan naman ang pulisya sa mga biktima ng anumang uri ng pang-aabuso na huwag matakot magsumbong sa mga awtoridad, malapit na kaibigan, o kamag-anak para mapanagot ang nasa likod ng krimen.
Ayon pa sa pulisya, binigyan na ng karampatang suporta ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang menor de edad na biktima.