Negosyante patay sa pamamaril sa labas ng motor shop sa Malabon
Patay ang isang 35-anyos na lalaking negosyante matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin sa labas ng kaniyang motor shop sa Teacher’s Village, Barangay Longos, Malabon City, 11:00 ng gabi Lunes, Oktubre 19. Bea Cuadra, ABS-CBN NewsMAYNILA — Patay ang isang 35-anyos na lalaking negosyante matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin sa labas ng kaniyang motor shop sa Teacher’s Village, Barangay Longos, Malabon City, 11:00 ng gabi Lunes, Oktubre 19.
Humandusay sa eskinita ang lalaki na nagtamo ng tama ng bala sa ulo.
Ayon sa lola ng biktima, tinawag lang siya ng kapitbahay para ibalita ang nangyari sa kaniyang apo.
“Sabi ko bakit eh wala naman yan diyan, kausap ko pa yan nung mga ano eh nagbayad kami ng ano sa Meralco,” kuwento niya.
“Sobrang hirap… Ganito ang ginagawa nila. Marami pong kaibigan yan… Kahit saan marami pong kaibigan yan… Galante po. Hindi siya maramot,” dagdag pa niya.
Hindi nila matukoy kung ano ang motibo sa pagpatay sa apo.
“Nanawagan po ako kung sino man ang gumawa nito sumuko na maawa kayo tatlo ang anak niyang binibuhay. Ano bang kasalanan ng apo ko at gaganyanin mo?” aniya.
Hindi pa matukoy ang pagkakakilanlan ng taong bumaril sa biktima.
Patuloy ang imbestigasyon at backtracking ng pulisya sa insidente.