Wednesday, October 21, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

Lolo ginilitan, sinaksak ng nakaalitang kapitbahay sa Antipolo

Patay ang isang 69-anyos na lolo matapos gilitan at pagsasaksakin ng 21-anyos na kapitbahay sa Barangay Cupang, Antipolo City, Rizal.

Ayon kay Police Lieutenant Ken Ladyong Ada-Ol, chief investigator ng Antipolo Component City Police Station, natagpuan ang bangkay ng biktima sa isang bakuran sa Sitio Igiban ng barangay nitong Lunes.

Kinilala ang biktima na si alyas “Fred”, 69-anyos at caretaker ng lupain sa lugar.

Sa imbestigasyon, natukoy na si alyas “Gelo” ang nasa likod ng krimen matapos nitong maikuwento sa kainuman ang ginawang pagpatay sa biktima noong Oktubre 18.

Isinumbong ng kainuman ng suspek ang insidente sa mga awtoridad kaya agad pinuntahan ng barangay at pulisya ang lugar at natagpuan ang bangkay ng biktima. Naaresto parehong araw ang suspek.

“Kinwento niya po na ‘Okay na, tinapos ko na siya. Ginilitan ko na sa leeg at tiyan. Nagpapatunay naman po ito batay sa ating imbestigasyon na mayroon po siyang slash wound sa bandang leeg at tiyan,” ani PLt. Ada-Ol.

Ayon sa pulisya, nasa state of decomposition na ang bangkay nang matagpuan at posibleng nasa tatlong araw na itong nakahandusay sa lugar.

Alitan sa paggamit ng tubig mula sa balon at ang pamimitas ng suspek ng prutas sa binabantayang lupain ng biktima ang nakikitang motibo ng pulisya sa krimen.

“Nag-away po (sila) noong ang ating victim ay naghugas sa isang balon na ginagamit ng mga residente roon. Yun po ang ikinairita ng ating suspek,” saad ng opisyal.

“Paglipas po ng ibang araw, nahuli po nitong victim ang ating suspek na namimitas ng rambutan na naroon sa kinatatayuan na lupa na binabantayan ng biktima, nahuli niya po at nag-away (ulit) sila,” dagdag nito.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang suspek tungkol sa krimen.

“No comment po ako diyan. Kung magpapa-interview ako sa abogado ko lang,” giit nito.

Nasa kustodiya na ng Antipolo Police Community Precinct 1 ang suspek na nahaharap sa kasong murder.

Leave a Reply