2 armadong lalaki na sangkot umano sa snatching sa QC arestado
Lalong tumibay ang hinala ng pulisya na may masamang balak ang dalawa matapos silang mahulihan ng paltik o homemade firearm at pen gun. Courtesy: QCPD via Christopher Sitson, ABS-CBN NewsMAYNILA — Arestado ang dalawang lalaki, edad 37 at 32, na sangkot umano sa ilang insidente ng snatching sa footbridge sa EDSA corner Oliveros Drive, Barangay Apolonio Samson, Quezon City noong Martes ng gabi, Oktubre 20.
Isinuplong ng isang concerned citizen sa nagpapatrolyang mga pulis ang kahina-hinalang kilos ng mga suspek sa ilalim ng footbridge kaya agad nilang inikutan ang lugar.
Nang sitahin ng mga pulis, nagtangka ang mga itong tumakbo, ayon kay Police Captain Elvin Olmedillo, hepe ng Investigation and Detective Management Unit ng Talipapa Police Station.
Lalong tumibay ang hinala ng pulisya na may masamang balak ang dalawa matapos silang mahulihan ng paltik o homemade firearm at pen gun.
“’Yung isa naman ay biglang nalaglagan ng isang bala at metal pipe [improvised gun] sa kanyang short. Kaya agad siyang hinawakan na. Yung kasama niyang nagtangka ring tumakbo ay naharang din ng isa pang pulis at boluntaryong isinuko rin sa kanyang posesyon ang isang pen gun,” ani Olmedillo.
Bukod sa pagiging kargador sa palengke, napag-alaman ng pulisya na kasabwat ang mga ito ng grupo ng snatcher na nakuhanan sa CCTV ang panghahablot ng hikaw ng babaeng biktima sa parehong lugar noong Oktubre 14.
“Ang modus nila, magsa-sabwatan sila at papalibutan nila yung biktima at isa lang ang kukuha ng pag-aari ng biktima. Pagtakas nung isa nakapalibot na yung iba para ma-intimidate na humabol yung biktima,” dagdag ni Olmedillo.
Mabilis namang itinanggi ng mga suspek ang paratang.
“Hindi po namin kasama yung nang-hablot doon,” giit ng suspek.
“Pauwi na po kami no’ng may sumabay sa’min na lalaki na hindi namin kasama. Sinita namin siya, sabi niya mang-ha-hablot daw siya,” paliwanag ng isa pang suspek.
Nakikipag-ugnayan na ang pulisya sa babaeng biktima para masampahan ng reklamo ang mga suspek. Isasailalim naman ng pulisya sa ballistic examination ang mga nakuhang armas para matukoy kung ginamit ito sa iba pang krimen.
Nakakulong na sa Talipapa Police Station ang mga suspek dahil sa paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act habang patuloy naman ang manhunt operation ng pulisya sa tatlo pa nilang kasabwat.