Thursday, October 29, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

Getaway driver sa pagpatay sa barangay chairman sa Batangas, arestado

Naaresto na ng Special Investigation Task Group Austria ang umano’y getaway motorcycle driver na sangkot sa pagpatay kay Barangay Sta. Anastacia Chairman Dennis Tenorio Austria sa Sto. Tomas City, Batangas, ayon kay Police Regional Office 4A chief PBGen Dominic Baccay.

Kinilala ang naarestong suspek sa alyas na “Ben,” na dinakip ng pinagsanib na puwersa ng pulisya dakong alas-12:05 ng madaling araw nitong Oktubre 20 sa Barangay Balagtasin, San Jose, Batangas.

Batay sa paunang imbestigasyon, si alyas “Ben” umano ang nagmaneho ng motorsiklong ginamit sa pagtakas matapos pagbabarilin si Austria noong Oktubre 15.

Ayon sa pulisya, ipinakita umano sa CCTV footage at iba pang ebidensiya na lumipat ang suspek mula sa motorsiklo patungo sa isang Toyota Vios matapos ang pamamaril. Narekober din ng mga awtoridad ang naturang sasakyan na nakarehistro sa pangalan ng naarestong suspek.

Patuloy namang bineberipika ng mga imbestigador ang mga nakalap na impormasyon hinggil sa umano’y pagpaplano at koordinasyon sa likod ng krimen, kabilang ang posibleng motibo at ang pagkakasangkot ng iba pang indibidwal.

Kasabay nito, nagpapatuloy ang hot pursuit at follow-up operations upang matukoy ang kinaroroonan at maaresto ang umano’y gunman at iba pang posibleng kasabwat. Inaalam din ng mga awtoridad ang kinaroroonan ng motorsiklong ginamit sa krimen.

Inihahanda na rin ng pulisya ang mga kinakailangang dokumento at ebidensiya para sa pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa naarestong suspek.

Ayon sa PNP, patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang buong pangyayari at mapanagot ang lahat ng mapatutunayang responsable sa pagpatay.

Ayon sa Batangas Police Provincial Office (BPPO), kabilang sa mga lumahok sa operasyon ang Sto. Tomas Component City Police Station, San Jose Municipal Police Station, Regional Intelligence Division 4A, Intelligence Group–Regional Intelligence Unit 4A, CIDG Batangas at Provincial Intelligence Unit Batangas.

Leave a Reply