Ginang, sugatan; mga pusa, nasagip sa 7 bahay na nasunog sa Las Piñas
Nagtamo ng paso sa kaliwang braso ang isang 51-anyos na babae habang lumilikas nang sumiklab ang sunog sa isang residential area sa Villareal Street, Barangay Manuyo Uno, Las Piñas City bago mag-alas-1:00 ng madaling araw ngayong Huwebes, Oktubre 22.
Inakyat sa unang alarma ang sunog alas-1:00 ng madaling araw kung saan ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), umabot sa pitong bahay na tinitirhan ng pitong pamilya o 31 indibidwal ang naapektuhan.
Ayon kay Janet Magusara, isa sa mga residenteng nasunugan, nasa tindahan sila ng kaniyang asawa nang sumiklab ang apoy. Mabilis aniyang kumalat ang apoy dahil gawa sa light materials ang karamihan sa mga bahay sa lugar.
“Nag-i-start po sa bubong doon sa likod namin. Ayan, bigla, ang taas, ang hangin, malakas ang hangin kaya biglang sumiklab… ‘Yung paglabas ko, yun na nakita ko, yun na ang lakas na ng apoy sa bubong namin,” aniya.
Nailigtas din ng mga bumbero ang ilang alagang pusa ng mga residenteng nawalan ng tirahan.
“Sabi naman ng may-ari, nagsabi agad siya sa mga bumbero natin together with our volunteer, inilabas naman agad lahat. So wala naman natira as per to sa may-ari,” ani Fire Inspector Alberto Loresca Jr., hepe ng Intelligence and Investigation Unit ng BFP Las Piñas.
Naging pahirapan lang aniya sa mga bumbero ang pagpasok sa lugar dahil sa makikitid na eskinita, ngunit naapula pa rin ang apoy dakong alas-2:00 ng madaling araw sa tulong ng 31 fire trucks ng BFP at mga volunteer.
“So pagdating naman po sa challenges na hinarap ni BFP, so far dahil nga ito ay residential, medyo naging challenges yung pagpasok natin sa area kasi medyo masikip yung area,” paliwanag pa niya.
Tinatayang umabot sa P1.2 milyon ang kabuuang pinsalang naidulot ng sunog habang patuloy pang iniimbestigahan ng BFP ang eksaktong pinagmulan at sanhi nito.
Pansamantala namang binuksan ng barangay ang kanilang outpost upang magsilbing tuluyan ng mga pamilyang naapektuhan.