Lolang ‘tulak,’ lalaking buyer tiklo sa drug buy-bust sa Baseco, Maynila
Ayon sa pulisya, isang linggong isinailalim sa surveillance ng mga awtoridad ang senior citizen matapos makatanggap ng impormasyon mula sa isang confidential informant. Courtesy: MPD via Bea CuadraMAYNILA — Arestado ang isang 76-anyos na babaeng senior citizen at isang 33-anyos na lalaki matapos silang makumpiskahan ng mahigit P100,000 halaga ng hinihinalang shabu sa ikinasang buy-bust operation sa Baseco Compound, Barangay 649, Zone 68, Port Area, Manila pasado hatinggabi ng Miyerkoles, Oktubre 21.
Ayon sa pulisya, isang linggong isinailalim sa surveillance ng mga awtoridad ang senior citizen matapos makatanggap ng impormasyon mula sa isang confidential informant.
“Iba-iba ang strategy niya. May mga dating parokyano, through text tapos mag-meetup,” ani Maj. Armando Linget, deputy commander ng Manila Police District-Baseco Police Station (MPD-PS-13).
Naaktuhan naman sa mismong operasyon ang isang 33-anyos na lalaking bumibili ng droga sa suspek.
“Actually hindi siya kasabay sa target pero nakasabay siyang bumibili sa buy-bust operation,” dagdag ni Linget.
Nakumpiska sa mga suspek ang mahigit 15 gramo ng hinihinalang shabu na nasa P105,672 ang halaga.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, dati nang naaresto ang senior citizen sa Bataan noong 2017 matapos mahulihan ng nasa 50 gramo ng ilegal na droga pero nakalaya.
Tumanggi nang magbigay ng pahayag ang dalawang suspek, na kasalukuyan nang nakakulong dahil sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.