Thursday, October 29, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

Bata tinangay sa paaralan sa Calamba, Laguna

Nananawagan ang ina ng isang 5 taong gulang na bata na isauli na ang kanyang anak matapos itong kunin ng isang lalaki sa paaralan nitong Martes, Oktubre 20. 

Ayon kay Erica Jane Crystal, pauwi na ang kanyang anak nang samantalahin ng suspek ang pagkakataon habang abala ang guro sa ibang estudyante.

“Ang nangyari po, tinake-advantage niya yung situation na may ina-assist si ma’am na on-going na student. Kasi, uwian na po nila then may bagong student. Tapos meron po na parang PWD po na ina-assist si Ma’am bale, nasalisihan po siya nun,” ayon kay Crystal. 

Dagdag ni Crystal, sumama ang bata sa suspek dahil kilala niya ito dahil dati itong kinakasama ng kanyang lola.

“Tapos, yung bata dahil kilala po, dating nag-aalaga sa kanya hatid sundo, sumama po yung bata ng kusa,” ayon sa ina. 

Hindi aniya biro ang kanilang pinagdadaanan ngayon.

“Wala nang pakiramdam yung katawan ko, gutom po hindi ko na maramdaman. Tapos, hindi ko na po ma explain kung ano bang nararamdaman ko ngayon. Gusto ko lang makita siya kasi naghalo-halo na po yung pagod. Wala pong oras na tumigil kami maghanap. Kasi, lahat ginagawa ko po talaga. Eh, bilang solo parent po kasi, ke may trabahong nag-aantay, kailangan namin siyang mahanap,” saad ni Crystal.

Pakiusap pa niya sa suspek, ibalik na ang bata, “Ibalik mo na yung anak ko, kasi hindi ko alam kung safe ba siya, kumakain ba siya.” 

Sinubukan naman ng news team na makuha ang panig ng paaralan kung saan tinangay ang bata, ngunit hindi na ito nagpaunlak  ng panayam

Wala rin umanong maisip ang lola ng biktima sa pwedeng maging dahilan ng pagtangay ng kanyang dating kinakasama sa kanyang apo. 

“Hindi namin alam anong rason mo,” saad ni Mary Jane Crystal, lola ng biktima.

Samantala, bumuo na ng Special Investigation Team (SIT) ang Calamba Component City Police Station para matutukan ang kaso. 

“The investigation is still on going and we assure you na gagawin namin lahat ng makakaya ng Calamba PNP para matukoy kung saan man itong suspek at ating biktima,” pahayag ni Police Lt. Andrew Cyruz Parafina, Chief, Investigation Section ng Calamba Component City Police Station

Panawagan ng awtoridad sa suspek, mahinahong isuko ang biktima sa kanyang pamilya. 

“Kung maari, isurrender niyo na po ang ating biktima ang bata. Kasi, nakakaawa na po ang ating pamilya na nag-hahanap at kung pwede po iwan niyo na lang po kahit saang pinakamalapit na barangay hall para doon nalang po namin puntahan itong bata,” saad ni Parafina.

Nagbigay ng pahintulot ang ina ng biktima na ipakita ang mukha ng kanyang anak upang makatulong sa paghahanap dito.

Leave a Reply