Tuesday, October 27, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

SAPUL SA VIDEO: Misis pinatay ng mister na guwardiya dahil sa alitan sa sustento

Dead on the spot ang 42-anyos na biktima matapos pagbabarilin ng kaniyang 49-anyos na asawa, na miyembro ng Provincial Security Group ng Rizal Provincial Government. Courtesy: Antipolo CCPS/Contributed via Christopher Sitson, ABS-CBN News

MAYNILA — Sapul sa dash cam video ang mismong sandali nang walang habas na barilin at mapatay ng mister ang kaniyang misis sa labas ng Rizal Provincial Capitol sa Barangay San Roque, Antipolo City, Rizal nitong Huwebes, Oktubre 22.

Dead on the spot ang 42-anyos na biktima matapos pagbabarilin ng kaniyang 49-anyos na asawa, na miyembro ng Provincial Security Group ng Rizal Provincial Government.

“Palabas na kami, tanaw na namin siya nakatingin. Nung nakalabas na kami bigla siyang tumakbo papunta sa ate ko tinutukan ng baril sa ganito. Tapos lakad na siya nang lakad sabi ‘di ba yan ang gusto mo?” kwento ng kapatid ng biktima na kasama nitong naglalakad nang barilin.

Nangyari ang pamamaril matapos magharap ang mag-asawa sa Human Resources Management Office (HRMO) ng Rizal Provincial Government. Nagtungo roon ang biktima upang i-follow up ang sustento ng suspek para sa kanilang tatlong anak.

Ayon sa pulisya, P6,000 ang itinakda ng City Social Welfare Office ng Antipolo, Rizal nang unang magharap ang mag-asawa noong Hulyo. Ngunit sa pag-uusap sa harap ng Rizal Provincial HRMO nitong Huwebes, gustong pababaan ng suspek sa halagang P1,500 ang sustento, bagay na hindi sinang-ayunan ng biktima.

“Walang (naging) malinaw na resulta yung kanilang pag-uusap,” ani Police Lieutenant Colonel Mark Henry Garcia, hepe ng Antipolo Component City Police Station (CCPS).

“Ang ate ko hindi pumayag na ganon. Ang sabi niya pag ganyan ang gagawin mo papatanggal na lang kita sa trabaho,” dagdag ng kapatid.

Ayon sa 18-anyos at pangalawang anak ng biktima, na pangarap sanang maging flight attendant, nasa limang taon nang hiniwalayan ng kanyang ina ang kanilang ama dahil sa madalas nitong pananakit.

“Simula pa lang po bata kami binubugbog na po ni papa si mama kasi gumagamit po ‘yun ng droga si papa. ‘Yun po yung pinagtatalunan nila kung bakit sila nag-aaway,” kwento pa nito.

Ang 19-anyos na panganay, huminto na sa pag-aaral para maging seaman dahil bukod sa walang maayos na sustento sa ama, paubos na rin ang ipon ng ina mula sa apat na taong pagtatrabaho bilang domestic helper sa Oman.

Kauuwi lang ng biktima nitong Setyembre mula sa pangingibang-bansa kaya labis ang galit nito sa ama.

“Wala siyang awa nung pinatay niya yung nanay ko. Hayop siya,” dagdag pa ng pangalawang anak, na hindi ngayon alam kung paano maipagpapatuloy ang pag-aaral ng mga kapatid.

Nakapiit na ang suspek matapos na agad maaresto ng pulisya sa tulong ng isang humintong rider na umawat sa suspek na nagawa pang bumalik sa guardhouse ng kapitolyo.

Narekober sa suspek ang isang kalibre .45 service firearm na ginamit sa krimen.

“Ang nasabi niya lang kanina, biglang nagdilim ang paningin niya nung papalabas na ang kanyang asawa sa gate,” dagdag ng hepe.

Desidido ang mga kaanak ng biktima na kasuhan ng parricide ang suspek.

“Mabulok siya sa kulungan talaga dapat. Ako rin magsasampa ako ng kaso at pinsan ko kasi na-trauma kami. Hindi naman biro yon, makita mo kapatid mo papatayin sa harap mo,” dagdag ng kapatid ng biktima.

“Hindi ako papayag na makukulong lang siya. Gusto ko mamatay siya. Unti-unti siyang pahirapan,” dagdag ng anak.

Samantala, nagpaabot ng pakikiramay ang Antipolo City government at Rizal provincial government sa pamilya ng biktima. Bukod sa tulong pinansiyal, nag-alok rin ito ng legal assistance sa kanila.

KAUGNAY NA VIDEO

Leave a Reply