Wednesday, October 28, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

18 huli sa inuman sa Oplan Galugad para sa Undas sa Maynila

Mga nahuli sa Oplan Galugad sa Sta. Cruz, Maynila, Oktubre 23, 2026. Eon Sanchez, ABS-CBN NewsMga nahuli sa Oplan Galugad sa Sta. Cruz, Maynila, Oktubre 23, 2026. Eon Sanchez, ABS-CBN News

MAYNILA — Nasa 18 indibidwal ang pinagdadampot ng mga awtoridad matapos maaktuhang nag-iinuman sa kalsada sa bahagi ng Tambunting Street, Sta. Cruz, Maynila, Biyernes ng gabi, Oktubre 23.

Nagmula sa Barangay 373, 374, at 375 ang mga dinala sa Blumentritt Police Community Precinct (PCP) matapos lumabag sa City Ordinance No. 555 o ang pag-inom ng alak sa mga pampublikong lugar.

Kabilang sa mga nasita ang isang 22-anyos na food delivery rider na nagtitimpla pa lamang ng iinumin ng kanyang grupo nang dumating ang mga pulis.

“Hindi ko po ineexpect na may darating na pulis kaya dinampot na lang po kami agad pero kinausap naman po kami nang maayos bago po kami dalhin dito. … Hindi pa po namin naiinom e. Naaktuhan po kami [na nagtitimpla] ng mga sibilyan na pulis kaya po nagulat kami,” kuwento ng rider.

PAGHAHANDA SA UNDAS 2026

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Jolly Soriano, station commander ng Sta. Cruz Police Station, bahagi ang operasyon ng Oplan Galugad ng Manila Police District (MPD) para sa paghahanda sa pagdagsa ng mga bibisita sa mga sementeryo ngayong Undas.

Inilunsad ang operasyon sa paligid ng mga kalsada matapos mag-inspeksyon ang mga awtoridad sa loob mismo ng Manila North Cemetery, kung saan 40 kalalakihan na nagtatrabaho bilang mga caretaker ang sinuri at isinailalim sa verification.

“Pagkatapos natin doon sa loob ng public cemetery, lumabas naman tayo sa mga malalapit na barangay… at ito nga na naaktuhan din nating itong mga individuals na nagiinuman along the street,” paliwanag ni Soriano.

Matapos dalhin sa presinto, isinailalim sa dokumentasyon at record verification ang mga hinuli upang matukoy kung mayroon silang mga nakabinbing warrant of arrest.

Wala namang nakumpiskang baril o matatalas na bagay sa mga dinala sa presinto, at nang makumpirmang malinis ang kanilang mga rekord, pinauwi rin sila ng mga pulis at pinakiusapang makiisa sa pagpapanatili ng seguridad sa loob at labas ng mga sementeryo.

Samantala, ipinaalala ng MPD na mahigpit na ipinagbabawal ang pagsusugal, pag-inom ng alak, at pagdadala ng baril o matatalas na bagay sa loob ng mga sementeryo sa buong panahon ng Undas.

Mula Oktubre 28 hanggang Nobyembre 2, magde-deploy ang pulisya ng karagdagang mga tauhan sa paligid ng mga pampublikong sementeryo upang tiyakin ang kapayapaan at seguridad.

Pinayuhan din ni Soriano ang publiko na agad ipagbigay-alam sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang aktibidad o tao sa kanilang paligid.

Leave a Reply