FACT CHECK: AI-generated ang mga post tungkol sa umano’y panic buying ng balde o timba

Gawa ng artificial intelligence, o AI, ang kumakalat na mga larawan at mga video na nagpapakitang diumano’y nagkakagulo at nagsasagawa ng panic buying ng mga balde o timba ang mga tao dahil sa inaasahang epekto ng super El Niño sa Pilipinas.
Walong post tungkol dito ang nakita ng ABS-CBN Fact Check na ibinahagi sa Facebook, Instagram, at TikTok. Sa kabuuan, nakapagtala ang mga naturang post ng mahigit 1 million views, 31,000 reactions, at 2,800 shares.
Sa mga Facebook reel na ini-upload noong October 13, 2026, makikita ang mga taong tila nagkukumahog na kumuha ng mga balde o timba sa isang tindahang may pangalang “BALDE STORE.” Ito rin ang makikita sa mga larawang ini-upload online noong araw ding iyon.
Kapansin-pansin ang pagkakapareho ng pangalan ng tindahan at ng mga taong makikita sa mga larawan at video.

May isa ring Facebook reel na ini-upload noong October 13 na nagpapakita ng umano’y reporter na nag-uulat tungkol sa sinasabing panic buying. Sa naturang video, makikita ang presyo ng mga balde na nakasaad sa “yuan,” ang opisyal na salapi ng Tsina, sa halip na Philippine peso.
Samantala, may isa pang Facebook reel na ini-upload noong October 14 na nagpapakita naman ng mga taong namimili ng mga balde sa kanilang shopping cart sa loob ng tila isang grocery store.
Batay sa resulta ng pagsusuri ng Hive Moderation, isang tool na ginagamit upang matukoy ang posibleng paggamit ng AI, mataas ang posibilidad na AI-generated ang naturang mga larawan at mga video.




Lumabas ang mga ito ilang araw matapos ang press conference ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Singapore noong October 11, 2026, kung saan hinikayat niya ang publiko na mag-ipon ng tubig-ulan bilang preparasyon sa banta ng super El Niño.
“Bumili na kayo ng balde para kapag umulan, makolekta na ninyo lahat. Tuturuan namin kayo. We’ll give you ‘yung gamot para maging malinis. We’ll give you the filter. We’ll teach you how to do everything para hindi kayo magkasakit at maayos ang pag-filter ng tubig,” saad ni Marcos.
Samantala, sa isang panayam kay Department of Trade and Industry (DTI) Sec. Cristina Roque na ini-upload sa Facebook page ng People’s Television Network (PTV) noong October 15, sinabi niya na hindi kabilang ang mga timba at balde sa sinusubaybayan ng ahensiya.
“Hindi po binabantayan ng DTI [ito]. What we monitor is the basic necessities and prime commodities,” paliwanag ni Roque.
Tiniyak naman ni Roque na sapat ang suplay ng basic necessities at prime commodities sa merkado at wala pang pagbabago sa presyo ng mga ito.
“For now, wala pang request for price increase. So, the prices are stable now and we don’t have any price increase for basic necessities and prime commodities,” ani Roque.