Nagnakaw ng motorsiklo sa QC arestado sa Caloocan
Natunton ng mga awtoridad ang ninakaw na motorsiklo na nakaparada sa garahe ng suspek sa Barangay 175 sa Caloocan City. Courtesy: QCPD MAYNILA — Arestado ang isang 35-anyos na lalaki matapos magnakaw ng nakaparadang motorsiklo sa bahagi ng Zabarte Road sa Barangay Kaligayahan, Quezon City, pasado alas-4 ng hapon noong Huwebes, Oktubre 22.
Ayon kay Lt. Col. Timothy Aniway Jr., commander ng Pasong Putik Police Station (PS-16), ipinarada ng biktima ang kaniyang motorsiklo sa harap ng kaniyang pinagtatrabahuan.
“Naiwan niya na naka-insert po ‘yung susi doon sa engine ng kanyang motor. At dahil din dyan sa sitwasyon na yan, sinunggaban po ng suspect natin na nakamatyag sa di kalayuan ‘yung sitwasyon at sinakyan ‘yung motor, pinaandar dahil andon yung susi at paglabas po ng may-ari ng motor… na-discover niya na nawawalan ang kanyang motor,” kuwento ni Aniway.
Agad na nag-report ang biktima sa mga nagpapatrolyang pulisya sa lugar. Natunton ng mga awtoridad ang ninakaw na motorsiklo na nakaparada sa garahe ng suspek sa Barangay 175 sa Caloocan City noong gabi ring iyon matapos makatanggap ng tip na may kaparehong nawawalang motorsiklo sa kanilang lugar.
Agad na inaresto ng pulisya ang suspek na lumalabas na dati nang nakulong noong 2021 dahil sa kasong robbery sa Caloocan.
Aminado ang suspek sa nagawang krimen.
“Nadaanan ko lang po… Naghahanap po ako ng trabaho… Naiwan po yung susi… Natukso lang po ako… Humihingi po ako ng pasensya… Sana mapatawad niya ko,” aniya.
Kasalukuyan nang nakakulong ang suspek sa custodial facility unit ng Pasong Putik Police Station at nahaharap sa reklamong paglabag sa New Anti-Carnapping Act of 2016.