Pekeng pulis arestado sa Cubao
MAYNILA — Arestado ang isang 31-anyos na lalaki na nagpanggap umanong pulis sa loob ng isang hotel sa Barangay San Martin de Porres, Cubao, Quezon City, alas-12:20 ng madaling-araw ngayong Oktubre 27.
Rumesponde ang mga nagrorondang tauhan ng Cubao Police Station 7 ng Quezon City Police District matapos makatanggap ng tawag mula sa security guard ng hotel kaugnay ng reklamo ng isang 54-anyos na negosyante.
Ayon sa complainant, paulit-ulit umanong inakbayan ng suspek ang kaniyang leeg habang sinasabi ang mga katagang, “Huli ka,” dahilan upang humingi sila ng tulong sa mga awtoridad.
Pagdating ng mga pulis, naabutan nila ang suspek na nakasuot ng uniporme ng Philippine National Police (PNP) na hindi maayos ang pagkakasuot. Nakalagay dito ang insignia ng Police Executive Master Sergeant at patch ng Taguig City Police Station.
Nagpakilala ang suspek bilang operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na nakatalaga sa Camp Crame. Gayunman, hindi siya nakapagpakita ng identification card ng PNP.
Nang beripikahin ng mga pulis sa mga tauhan ng CIDG ang kaniyang pagkakakilanlan, kinumpirma nilang walang opisyal na may katugmang pangalan at ranggo ng suspek na nakatalaga sa kanilang yunit.
Dahil dito, inaresto ang lalaki dahil sa paglabag sa Article 177 o Usurpation of Authority or Official Functions at Article 179 o Illegal Use of Uniforms or Insignia ng Revised Penal Code.
Inihahanda na ang mga kaukulang dokumento para sa inquest proceedings laban sa suspek.
Samantala, nagbabala si NCRPO Officer-in-Charge PBGen Christopher N. Abrahano laban sa mga nagpapanggap na pulis at gumagamit ng uniporme upang manakot o manlinlang ng publiko.
“The uniform represents lawful authority and public trust. No one has the right to wear it as a tool for intimidation or deceit. We will hold accountable anyone who exploits the symbols of the service to mislead or harm the public,” ani Abrahano.
Ayon sa NCRPO, mahalagang tiyakin ng publiko ang pagkakakilanlan ng mga indibidwal na nagpapakilalang pulis.
Pinayuhan din ang publiko na agad iulat sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya o sa pamamagitan ng 911 ang sinumang kahina-hinalang nagpapanggap na alagad ng batas.
Pinagpapaliwanag na rin ng SPD ang kaanak na pulis ng suspek na tunay ng may-ari ng uniporme.
Arestado ang isang 31-anyos na lalaki na nagpanggap umanong pulis sa isang hotel sa Barangay San Martin de Porres, Cubao, Quezon City, alas-12:20 ng madaling-araw ngayong Oktubre 27.