Sunday, November 1, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

Taxi nadaganan ng dump truck sa QC, 6 sugatan

Tumagilid ang isang dump truck sa bahagi ng Payatas Road sa Quezon City pasado 8:00 p.m. ng Martes, October 27. CA Sitson, ABS-CBN News

MAYNILA — Sugatan ang anim na indibidwal matapos tumagilid ang isang dump truck na may kargang basura at madaganan ang isang taxi sa bahagi ng Payatas Road, Barangay Payatas, Quezon City, nitong Martes ng gabi, Oktubre 27.

Ayon kay Angelo Janoras, Barangay Payatas Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) Focal Person, ang driver ng dump truck at limang sakay ng taxi, kabilang ang driver nito, ang naipit sa insidente.

Agad na isinugod sa ospital ang mga biktima, na patuloy pang inoobserbahan ang kondisyon.

“We have six po na victim. Tatlong babae, tatlong lalaki. Yung tatlong babae po yun ang unang nai-angat natin. Yung pinaka huli po na nakuha ay yung driver ng taxi. Almost three hours po siyang ni-rescue po. Tumagal po siya kuhanin dahil yung pag-extract po sakanya sobrang ipit po kasi nung ating nire-rescue,” sabi ni Janoras.

Ligtas namang nakalabas sa dump truck ang pahinante nito na kapatid ng driver.

“Nakaidlip po ako. Nagising na lang po ako nung bumagsak kami. Hindi ko rin alam kung nakaidlip siya kasi tulog ako nun, hindi ko masasabi. Sabi naman niya sa akin ‘alalay naman (patakbo) ko tol eh,” sabi ng pahinante.

Nagdulot ng mabigat na daloy ng trapiko sa Payatas Road ang insidente dahil kinailangang pahintuin ang mga sasakyan para bigyang-daan ang clearing operation sa lugar.

Pasado alas-2 ng madaling araw nang madaanan muli ng mga motorista ang magkabilang linya ng Payatas Road.

Iniimbestigahan na ng QCPD Traffic Sector 5 ang sanhi ng insidente at ang posibleng pananagutan ng dump truck driver na ginagamot pa sa ospital.

          

Leave a Reply