Wednesday, November 4, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

Lalaki arestado matapos barilin ang kainuman ng live-in partner sa Marikina City

Arestado ang 35-anyos na lalaki matapos barilin ang kainuman ng kanyang live-in partner sa Barangay Nangka, Marikina City nitong Huwebes, Oktubre 29. Courtesy: Marikina CPS via Christopher Sitson

MAYNILA — Arestado ang 35-anyos na lalaki matapos barilin ang kainuman ng kanyang live-in partner sa Barangay Nangka, Marikina City noong Huwebes, Oktubre 29.

Ayon sa Marikina City Police inimbitahan ng live-in partner ng suspek ang biktima sa apartment unit kasama ang iba pang kaibigan para mag-inuman, pero nang sumapit ang alas-tres ng madaling araw ay biglang sumugod sa apartment unit ang suspek.

“Biglang sumulpot. Andyan na yung lalaki na pinapaalis na yung mga nag-iinuman doon,” sabi ni Police Colonel Jenny Tecson na Chief of Police ng Marikina City Police Station.

Ilang sandali pa ay pinaputukan ng suspek ang biktima na tinamaan ng bala sa hita.

Isinugod sa ospital ang biktima habang ang suspek ay agad na umalis din sa lugar.

Naaresto ng pulisya ang suspek sa isang apartelle sa Quezon City gabi ng Biyernes.

Aminado ang suspek sa nagawang pamamaril pero wala na sa kanya ang ginamit na baril na naitapon umano niya nung umalis sa apartment ng kanyang live-in partner.

Sinubukang hingan ng pahayag ng ABS-CBN News ang suspek pero tumanggi ito.

Nasa maayos na kondisyon na ang biktima na patuloy nagpapagaling.

Nakakulong sa custodial facility ng Marikina Police ang suspek na nahaharap sa reklamong Frustrated Murder at Illegal Possession of Firearms.

      

Leave a Reply