Lalaki arestado sa umano’y paggahasa sa 13 anyos sa Maynila
MAYNILA — Arestado ang isang 27-anyos na lalaki sa sa tapat ng isang grocery store sa Malate, Maynila nitong Huwebes ng gabi dahil sa kasong panggagahasa sa isang 13-anyos na dalagita.
Nasakote ng mga operatiba ng Manila Police District ang suspek sa bisa mg warrant of arrest na inilabas ng Manila Regional Trial Court Branch 29 nitong Oktubre.
Ayon sa pulisya, naganap ang insidente noong Agosto sa Santa Ana, Maynila.
Lumalabas sa imbestigasyon na nakipag-inuman muna ang akusado sa biktima sa mismong bahay na tinutuluyan nito bago naganap ang insidente.
“According to him, pumayag naman daw ‘yung babae. Kaso nga lang, the victim is 13 years old and 27 siya. Incapable of giving consent ‘yung babae, miski naman pumayag,” ayon kay Police Major at Atty. Jake Serrano Arcilla, hepe ng Crime Investigation Section.
Depensa naman ng akusado, pumayag umano ang dalagita na may mangyari sa kanila, ngunit itinanggi nitong ginahasa niya ang biktima.
“Hindi ko po talaga ginahasa, sir. Wala pong katotohanan ‘yon sir. Alam po ng Diyos. Muntikan lang sana po may mangyari sa amin. Alam naman po niya ‘yon. Sana po iatras na nila ‘yong kaso kasi ayaw ko makulong. Marami po akong pangarap sa mga kapatid ko,” saad ng akusado.
Dagdag ni Arcilla, magkaiba ang bersyon ng suspek at ng biktima kaya korte na ang magpapasya kung sino ang nagsasabi ng totoo.
Samantala, sinabi ng ina ng biktima na tatlong araw na hindi agad nagsumbong sa kanila ang kaniyang anak dahil sa takot.
“Sobrang sakit, sir. Sobrang sakit nang ginawa niya sa anak ko. Hindi makatarungan ang ginawa niya. 13 years old lang ang anak ko tapos gaganunin niya. Hindi ko pa ma-accept ‘yong sorry niya dahil sa ginawa niyang trauma sa anak ko. No’ng dinala ko sa ospital, grabe po ang nginig ng anak ko,” saad ng ina ng biktima.
Naniniwala rin ang ina na posibleng nilasing ng suspek ang kaniyang anak para maisagawa ang umano’y masamang balak bagay na itinanggi naman ng akusado.
Sa kabila nito, may paalala naman ang pulisya sa mga magulang.
“Bantayan natin ang ating mga anak, tingnan natin kung saan sila pumupunta. Bigyan ng paalala kung sino ang dapat nilang kasama, mga dapat at hindi dapat gawin para hindi sila mapunta sa kalagayang ganito,” ani Arcilla.
Nakapiit sa Manila Police District ang suspek at nahaharap sa kasong statutory rape.