Japanese na utak umano ng sindikatong nambibiktima ng matatanda, arestado sa Nueva Ecija
Arestado ang isang 57-anyos na Japanese national na hinihinalang lider ng transnational criminal syndicate na JPDragon sa isinagawang operasyon ng Bureau of Immigration (BI) sa Cabanatuan City, Nueva Ecija.
Kinilala ang suspek na si Yamamoto Yoshitama, na wanted sa Japan dahil sa ilang kasong may kaugnayan sa panloloko, pagnanakaw at tangkang pagnanakaw.
Ayon sa BI, kabilang umano si Yamamoto sa grupong JPDragon na pinaniniwalaang binubuo ng mga dating miyembro ng yakuza o mga organisadong grupong kriminal sa Japan.
Sinasabing modus ng grupo ang pagpapanggap na mga pulis upang malinlang ang mga matatandang Hapones at makuha ang kanilang ATM card at impormasyon sa bangko.
Nasa 250 katao na ang nabiktima ng sindikato at umabot sa halos 900 milyong yen ang nakulimbat nito mula noong 2019.
Kasalukuyang nakadetine si Yamamoto sa pasilidad ng BI habang hinihintay ang pagkumpleto ng deportation proceedings.
Nagbabala naman ang BI na hindi magiging kanlungan ang Pilipinas ng mga dayuhang pugante.
Philippines arrests 2 high-value Japanese fugitives linked to global crime rings