Tuesday, November 3, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

Lalaking may 40 kaso ng carnapping, arestado sa QC; 2 baril nasamsam

MAYNILA — Inarestado ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang 20-anyos na lalaki na may 40 kaso ng carnapping at limang outstanding warrant of arrest sa ikinasa nilang operasyon sa Barangay Vasra, Quezon City, noong Oktubre 30, ayon kay QCPD chief PBGen Christopher Olazo.

Ayon kay Olazo, kasama ring naaresto ang 23-anyos nitong kasamahan na alyas “Yassy” dakong alas-5:45 ng umaga.

Ayon sa QCPD, nagsagawa ng operation ang mga tauhan ng Pasong Putik Police Station at isa pang police unit matapos makatanggap ng impormasyon tungkol sa pangunahing suspek na si alyas “Mohay,” na sakay umano ng isang puting motorsiklo.

Inaresto si Mohay sa bisa ng warrant of arrest dahil sa paglabag umano sa New Anti-Carnapping Act of 2016 na inilabas ng Regional Trial Court Branch 72 sa Malabon City.

Samantala, ayon sa pulisya, tinangka umanong bumunot ng nakatagong baril ni Yassy, na back rider ng motorsiklo, at nanlaban nang arestuhin. Nauwi ito sa sagupaan bago tuluyang napasuko ng mga operatiba.

Dalawang baril ang nakumpiska sa operasyon: isang caliber .40 pistol at isang revolver na walang serial number.

Nasamsam din ang limang bala ng caliber .40, apat na bala ng caliber .38 at ang puting motorsiklo.

Sa beripikasyon sa Investigation Solution Automatic Verification (ISAV) System, lumitaw na may 40 naitalang kaso si Mohay na may kaugnayan sa umano’y paglabag sa RA 10883, dalawang kaso ng paglabag umano sa Presidential Decree 1602, gayundin ang mga kasong homicide at murder.

Mayroon din siyang limang outstanding warrants of arrest dahil sa umano’y paglabag sa anti-carnapping law. Samantala, may dati ring rekord si Yassy kaugnay ng umano’y paglabag sa PD 1602.

Ayon pa sa QCPD, iniimbestigahan din ang pagkakasangkot ng dalawa sa insidente ng carnapping ng isang motorsiklo sa Sacred Heart Village, sa kahabaan ng Quirino Highway, Barangay Pasong Putik Proper, noong Oktubre 25.

Mahaharap ang dalawa sa kaukulang kaso dahil sa umano’y paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Naghahanda rin ang pulisya ng hiwalay na kaso sa ilalim ng RA 10883 kaugnay ng naiulat na insidente ng carnapping, na sasailalim pa sa karagdagang imbestigasyon at pagsusuri ng Office of the Prosecutor.

Ayon kay Olazo, patuloy nilang paiigtingin ang intelligence-driven operations at pagtugis sa mga wanted person upang maiwasan ang krimen at matiyak ang kaligtasan ng publiko.

RELATED VIDEO:

Leave a Reply