Saturday, November 7, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

Lalaking wanted sa kasong murder patay sa engkwentro sa Bacoor, Cavite

Nauwi sa engkwentro ang pag-aresto sana ng pulisya sa isang lalaking halos dalawang dekadang nagtago dahil sa mga kasong murder at frustrated murder sa Barangay Tua, Bacoor Cavite, nitong Linggo, November 1. Courtesy: Bacoor CCPS via Bea Cuadra 

MAYNILA — Nauwi sa engkwentro ang pag-aresto sana ng pulisya sa isang lalaking halos dalawang dekadang nagtago dahil sa mga kasong murder at frustrated murder sa Barangay Tua, Bacoor Cavite, noong Linggo, November 1.

Ayon kay Lt. Col. Alexie Desamito, hepe ng Bacoor City Police Station, dating miyembro ng Philippine Army at Scout Ranger graduate ang akusado. Bago ang insidente ay higit isang buwan na nilang minanmanan ang akusado.

“Nirush-up na ng mga pulis natin kasi sa ilang pagbalik-balik nila, medyo nakahalata na rin talaga ‘yung target. Matalas ‘to eh,” pahayag ni Desamito.

Nang isagawa na ang pag-aresto at utusan siyang sumuko, nagpaputok ng baril ang akusado habang nagtatangkang tumakas, kaya napilitan ang mga awtoridad na gumanti ng putok na nagresulta sa kanyang pagkamatay.

“Nung kausap na niya ‘yung ibang nagpanggap natin na tropa… nung nirush-up na siya ng pulis natin na arestuhin, pinapadapa, hindi po dumapa. Instead, umiwas, tumakbo, tapos pumutok. Hindi talaga siya magpapahuli nang buhay noong oras na ‘yun,” dagdag ni Desamito. 

“So ayun po, nagpaputok ‘yung accused, so walang magawa ‘yung police natin na arresting kundi gumanti.”

Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na away-politika sa La Union noong taong 2008 hanggang 2009 ang motibo sa likod ng mga krimeng kinasangkutan ng akusado.

Narekober mula sa nasawing akusado ang isang kalibre .45 na baril na ginamit nito sa pagpaputok at isang 9mm na baril na nakasukbit sa kanya, na kapwa walang lisensya at legal na papeles.

Isasailalim ang mga sandata sa ballistics examination upang matukoy kung nagamit pa ang mga ito sa iba pang nakaraang krimen.

          

Leave a Reply