Mag-live in partner patay nang ma-trap sa banyo sa sunog sa Cubao
Nagsimula ang sunog bandang 5:00 ng hapon at mabilis na itinaas sa ikaapat na alarma 5:21 ng hapon. ABS-CBN NewsMAYNILA — Patay ang isang 30-anyos na lalaki at ang kanyang 26-anyos na live-in partner matapos ma-trap sa banyo ng kanilang tinutuluyang bahay sa sunog na sumiklab sa Stanford Street, Barangay E. Rodriguez, Cubao, Quezon City, Lunes ng hapon, Nobyembre 2.
Nagsimula ang sunog bandang 5:00 ng hapon at mabilis na itinaas sa ikaapat na alarma 5:21 ng hapon.
Ayon sa nakababatang kapatid ng lalaking biktima, nag-alala siya nang hindi na matawagan ang dalawa sa telepono habang siya ay nasa Rizal, kaya agad siyang lumuwas patungong Quezon City.
Namamasada umano ang lalaking biktima at pagdating sa lugar ay pumasok ito sa nasusunog na bahay upang iligtas ang natutulog na live-in partner.
“Nang hindi ko ma-contact ang kuya ko at ang asawa niya, pinuntahan ko agad dito. Sabi ng mga tagarito, pumasok ang kuya ko kahit malakas na ang sunog kasi gigisingin daw niya ang asawa niya na natutulog doon. Pinapigilan siya ng mga tao dahil malaki na ang apoy, pero nagpumilit pa rin siya at hindi na nakalabas,” pahayag ng kapatid.
Tinatayang 120 kabahayan ang natupok at humigit-kumulang 200 pamilya ang naapektuhan sa nasabing sunog.
Kabilang sa mga nasunugan ang residenteng si Lovely Bodomo na tanging ang kanyang bag at alagang aso lamang ang naisalba nang magsimula ang sunog.
Nahirapan ang mga bombero sa pag-apula ng apoy dahil sa masisikip na eskinita.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng BFP upang matukoy ang pinagmulan ng apoy at ang kabuoang halaga ng napinsalang ari-arian.