Wednesday, November 4, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

‘Kaisa-isang anak po namin’: Bata patay matapos magulungan ng SUV sa Maynila

MAYNILA — Patay ang isang 6-taong-gulang matapos magulungan ng SUV sa Barangay 649 sa Baseco, Maynila. 

Sa kuha ng CCTV noong Oktubre 30, kitang naglalaro sa gilid ng kalsada ang batang babae nang kumabig at lumiko ang isang itim na SUV sa kanyang kinaroroonan. 

Dire-diretso ring umalis ang sasakyan matapos magulungan ang bata.

Ayon sa ina ng biktima na si Sfica Ulama, umalis lamang siya saglit upang bumili ng pagkain dahil nagutom ang kanyang anak. 

Pero hindi na niya naabutan ang anak na naisugod pa sa ospital. 

“Alam po ng driver na nasagasaan na siya pero hindi niya po hinintuan ‘yung anak ko. Ang masaklap doon, nabangga niya na ng isang gulong, sinundan niya pa po ng isang gulong,” pahayag ni Ulama. 

“Nagsugod po siya ng lola niya… nag-aagaw-buhay po ‘yung anak ko. Hindi ko lang po matanggap, buhay pa po ‘yung anak ko pero hindi nila hinintuan, pwede naman po nilang hintuan eh.”

Kaisa-isang anak niya ang biktima na pangarap umanong maging guro at pulis paglaki. 

Nanawagan siya ng tulong at hustisya para sa nawalang anak, lalo’t hindi na raw siya makakapag-anak muli dahil sa kanyang karamdaman.

“Yung anak ko malaki po ‘yung pangarap niya. Matured po mag-isip ‘yung anak ko, matalino po… Kaisa-isang anak po namin, nag-iisa lang po ‘yung babae,” dagdag ni Ulama. “Nanawagan po ako, humihingi ako ng tulong kasi gusto ko po mabigyan ng hustisya ‘yung anak ko. Hindi na po mababalik ‘yun, kahit sabihin mo na magbabayad sila, buhay po ‘yun.”

Naharang naman ng mga tauhan ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU) ang suspek sa Second Street ng parehong barangay. 

Ayon kay PMaj. Joel Aquino, hepe ng VTIS-MDTEU, isang concerned citizen na nagmamaneho ng motorcycle ang humabol sa sasakyan at naabutan ito.”

“Doon saktong may pulis tayong naka-duty sa area at agad na nahuli ang suspek na driver,” dagdag niya. 

Lumabas din aniya sa pagsusuri na negatibo sa alcohol intoxication ang suspek.

Idinipensa naman ng suspek na wala siyang nakitang bata at wala siyang naramdamang anumang sagabal habang nagmamaneho kaya hindi siya huminto. 

Iginiit din nitong sanay silang may humps at lubak sa kalsada roon at wala siyang intensyong takasan o sadyain ang nangyari.

“Sa totoo lang, ingat na ingat ako sa sasakyan ko. Ultimo maliit na bato, ultimo basura, iniiwasan ko, tao pa kaya. Wala po ako nakita,” giit ng suspek. 

“Wala kaming naramdaman o napansin na kahit ano kaya walang reaction na huminto kami o bumilis kami. Hindi ako kriminal sa kaso na ito, wala akong intensyon na talikuran sila at wala akong intensyon doon sa nangyari.”

Bukas naman aniya ang kanyang pamilya na makipag-usap at maunawaan ang galit ng mga magulang ng biktima.

Nakakulong ang drayber sa pasilidad ng MDTEU at nahaharap sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide.

IBA PANG BALITA: 

Leave a Reply