Turistang Chinese, dinukutan ng ‘Ativan’ gang sa Intramuros
MAYNILA — Arestado ang limang nagpakilalang miyembro ng “Ativan” gang sa pandurukot sa isang turistang Chinese sa Intramuros, Maynila Linggo ng hapon.
Sa kuha ng CCTV, makikitang dumating sa Intramuros ang isang puting taxi kung saan bumaba ang isang lalaki at apat na babae.
Nilapitan ng isa sa mga suspek ang 28-anyos na Chinese national na namamasyal sa Intramuros matapos magsimba sa San Agustin Church.
Ilang sandali pa, makikitang nakipag-usap na ang lima sa dayuhan at kalaunan ay naglakad silang magkakasama.
Sa isa pang anggulo ng CCTV, makikitang pinapayungan pa ng isa sa mga suspek ang biktima habang naglalakad palabas ng Intramuros.
“Along the way, nakita na nitong mga bystander doon na dinukutan na nila itong foreign national bago pa nila maisakay sa sasakyan. Sakto naman sa pinaigting na pagpapatrolya ng ating mga pulis, naaktuhan nila na dinudukutan nga itong foreign national,” saad ni Police Maj. Jake Serrano Arcilla, hepe ng Manila Police District-Crime Investigation Section.
Sa imbestigasyon, niyaya umano ng mga suspek ang biktima na sumama sa kanila papuntang Binondo para dumalo sa isang birthday party.
Madali umano nilang nakuha ang loob ng dayuhan matapos siyang kausapin ng pinakamatandang suspek gamit ang wikang Hapon. Napag-alamang nagtatrabaho bilang engineer sa Japan ang biktima at unang beses pa lamang niyang magbakasyon sa Pilipinas.
“One woman, she speaks Japanese. She told me she was working in Japan, so I trust [sic],” kuwento ng biktima sa panayam sa ABS-CBN News.
Kinumpirma naman ng 67-anyos na suspek na si alyas “Auring” na ginamit niya ang kaalaman niya sa Japanese para makuha ang tiwala ng dayuhan.
“Kasi marunong naman siyang mag-English e. Nanggaling talaga ako ng Japan no’ng bata-bata pa ako,” ani alyas Auring.
Ayon sa mga suspek, plano nilang painumin ng pampatulog ang banyaga bago kunin ang mga personal nitong gamit.
“Kunwari ipapasyal po namin. Papainumin po namin siya. Ihahalo po sa soft drinks,” saad ng isa suspek na si alyas “Mary.”
Ayon pa kay Auring, may isang indibidwal na tinatawag nilang “Taba” na nagsusuplay umano sa kanila ng Ativan.
Nakilala raw nila ito sa EDSA at tinatawagan kapag may namamataang turistang maaari nilang mabiktima.
Ayon pa sa isa pang suspek na si “James,” ilang taon na nilang ginagawa ang modus at karaniwan silang tumatambay sa mga matataong lugar sa Maynila na dinadayo ng mga dayuhang turista.
“Siguro apat o lima na [biktima] na,” saad ni James sa kadalasang bilang ng biktima.
“Maliit po kasi ang kita kaya dito minsan, naso-solve agad ang pangangailangan ko. Limang libo, pinakamalaki, sa akin lang. Minsan may puti, iba-iba,” dagdag niya.
Lumalabas din sa imbestigasyon na may dati nang warrant of arrest ang dalawa sa limang suspek dahil sa kasong pagnanakaw.
Ayon sa MPD, malaking banta sa turismo ang ganitong modus, lalo’t nakatakdang mag-host ang Pilipinas ng ASEAN Summit.
Nakabalik na sa Japan ang biktima pero may mensahe siya sa mga suspek at sa iba pang posibleng mabiktima.
“Don’t scam people anymore. Just find a normal job. Don’t do embarrassing [things] anymore,” ayon sa Chinese national.
“Don’t trust anyone even though they speak in your languages. That’s all. I just want more people be sort of aware or something,” dagdag niya.
Nakapiit ngayon ang mga suspek sa pasilidad ng MPD at nahaharap sa kasong pagnanakaw.
Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng tinukoy nilang “Taba” na umano’y nagsusuplay ng pampatulog na ginagamit sa kanilang modus.