Kilalanin ang 135 wika ng Pilipinas
Pabalat ng Atlas at Mapa ng mga Wika ng Pilipinas. Pinagmulan ng litrato: Komisyon ng Wikang FilipinoAng Pilipinas ay tahanan ng iba’t ibang wikang sumasalamin sa yaman ng ating kultura, kasaysayan, at pagkakakilanlan bilang mga Pilipino. Bawat wika ay may natatanging kuwento at tradisyong pamana ng ating mga ninuno na dapat nating pangalagaan at ipagpatuloy.
Bilang mga Pilipino, mahalagang igalang at kilalanin natin ang lahat ng wika sa ating bansa, anuman ang ating pinagmulan o wikang kinagisnan. Ang pagkakaiba-iba ng ating mga wika ay hindi hadlang sa pagkakaisa, kundi patunay ng yaman ng ating kultura. Sa pamamagitan ng pagpapahalaga sa bawat wika, mas nauunawaan natin ang isa’t isa at mas pinatitibay natin ang ating bansang mayaman sa kultura.
Kayâ naman bilang pagsulong sa pagkakaisa ng bawat Pilipino, pinasinayaan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang Edisyong 2025 ng Mapa ng mga Wika ng Pilipinas noong ika-29 ng Oktubre 2026, sa National Museum of Natural History Courtyard, Lungsod Maynila.
Sa ginanap na programa na pinamagatang, “TANÁW: Paglulunsad ng Atlas at Mapa ng mga Wika ng Pilipinas,” kasabay nitong inilunsad ang ikalawang edisyon ng Atlas ng mga Wika ng Pilipinas.
Bilang pangkalahatang mapa ng mga wika sa bansa, makikita rito ang mga lokasyon kung saan sinasalita ang 135 wika sa Pilipinas. Matutukoy rin dito ang kalagayan ng mga katutubong wika batay sa mga kulay na kumakatawan sa bawat kategorya kung: ligtas, di-ligtas, tiyak na nanganganib, matinding nanganganib, at malubhang nanganganib.
Bunga ng masusing pananaliksik ng KWF, kasama ang iba’t ibang katutubong pamayanan, ang proyektong ito ay makapagbabahagi ng mga kapaki-pakinabang na datos sa mga mananaliksik pangwika.
Silipin ang Mapa ng mga Wika ng Pilipinas. Pinagmulan ng litrato: Komisyon ng Wikang Filipino Maaari na rin itong maakses nang libre sa websayt ng KWF Repositoryo ng mga Wika ng Pilipinas.