Tatlo sugatan sa riot sa Sampaloc, Maynila
MAYNILA — Tatlo ang nasugatan sa riot ng mga kabataan sa bahagi ng Fajardo Street, Barangay 535 sa Sampaloc, Maynila.
Ayon sa barangay, nasugatan ang isang pulis na rumesponde matapos mabagsakan ng hagdan nang inaaresto ang isa sa mga sangkot sa gulo noong Martes ng gabi.
Nagtamo naman ng sugat sa ulo ang isang 19-anyos na lalaking residente ng Barangay 535 na umaawat sa nagra-riot na kabataan matapos na tamaan ng putol na itak na ibinato sa kanya ng isa sa mga kabataang sangkot din sa gulo. Kinailangan ng 10 tahi ang sugat nito.
Isang barangay tanod pa na umaawat din sa gulo ang nasugatan.
Ayon kay Kagawad Christian De Guia ng Barangay 535, nag-ugat ang gulo matapos na i-upload sa isang group chat ang video at picture ng babaeng kinukompronta ang grupo ng mga kabataan dahil sa nawawalang bisikleta.
“Ngayon, yung GC na yun, marami silang apo pamangkin na nakapanood. Dun nag-trigger [yung babae] Ngayon, pagbalik [niya], mga ilang minuto, nagdatingin yung mga apo, pamangkin niya. Doon na nag-trigger yung gulo,” ani De Guia.
Sa kuha ng CCTV, kitang dumating ang babae at pinuntahan ang grupo ng mga kabataan.
Maya-maya pa, dumating na ang ilang mga kamag-anak umano ng babae na may dalang mga pamalo at dito na nasimula na ang gulo.
Sa kasagsagan ng riot, nakuhanan din sa CCTV ang pagbato putol na itak ng isa sa mga sangkot sa riot sa 19-anyos na lalaking residente ng 535 na umaawat lang umano sa gulo.
“Umaawat lang po ako noon, hinahanap ko po yung pamangkin ko… binato ako… ng panaga… Una po di ako natataranta, pero pagbalik ko ng Alindada, lumalakas na po, parang naliligo na po ako ng dugo,” kwento ng 19-anyos na lalaki.
Nakuhanan din ng CCTV ang pagpupumiglas at tangkang pagtakas ng isa sa mga naabutan ng pulis sa lugar.
Sa pagpupumiglas nito, natumbahan ng hagdan ang pulis na nagtamo ng sugat.
Ayon kay PCP Commander Capt. Renmar Raval Calabash, sinadya ng lalaki na itumba ang hagdan sa pulis.
“Ayon po din sa statement po ng responding officer,
ginamit po yung hagdan para ibagsak po sa kanya, para po makapag-evade po pag arrest hopefully yung suspect, which is hindi naman po siya nagtagumpay kasi naarresto rin naman po siya later on,” paliwanag ni Raval.
Ayon sa taga Barangay, ang dalawang nahuli ay umawat lang sa gulo kaya hindi dapat sila inaresto.
“Kung umawat lang din po yung mga nahuli, so I think hindi naman po sila sana dapat nag-resist or hindi po sila dapat tumakbo. Kasi kung umawat lang naman po sila at mga concerned citizen lang naman po sila na magandang loob, ay para i-disperse po yung riot, might as well na sumama naman po sila nang maayos,” dagdag ni Raval.
Sinampahan ng direct assault ang lalaking nagpumiglas at sinubukang tumakas sa pulis.
Bukod dito mahaharap din siya at isa niyang kasama sa reklamong alarms and scandals at resistance and disobedience to person in authority.
Handa naman ang PNP na sumagot sakaling may magreklamo matapos na makuhanan sa CCTV na tila hinampas ng pulis ang isa sa mga inaresto habang nakasakay sa motorsiklo ng pulis.
“Kung may ganun po silang allegation, pwede naman po silang mag-countercharge din sa responding officer. Pero insofar po din sa pag-arrest, malinaw naman po na merong violation, merong crime na naganap, kaya po valid po yung pag-arrest. Kung meron naman po na irregularities din po sa manner ng pag-arresto, karapatan naman po ng mga suspect na mag-countercharge po sila,” ani Raval.
Samantala, sinabi ng barangay na nasa 8 hanggang 10 kabataan mula sa Barangay 535 habang nasa 15 kabataan naman sa kabilang barangay ang sangkot sa gulo.
Aminado naman ang barangay na mahihirapan silang pagharapin pa ang dalawang grupo na sangkot sa gulo para magkaayos.