‘Ginawa niyang baboy’: Babae, sugatan sa pananaga ng kapitbahay sa Malabon
MAYNILA — Arestado ang isang 39-anyos na lalaki matapos nitong pagtatagain gamit ang isang butcher knife ang kaniyang 35-anyos na babaeng kapitbahay sa Barangay Potrero, Malabon City nitong Huwebes, Nobyembre 5.
Nangyari ang insidente isang araw bago ang kaarawan ng biktima habang naglalakad ito pauwi kasama ang kaniyang 3-anyos na pamangkin sa Doña Juana Road bandang alas-10:15 ng umaga.
Sapul sa CCTV ang walang-habas na pananaga ng suspek sa nakatalikod na biktima gamit ang dala nitong 13-pulgadang kutsilyo.
“Hindi niya namalayan na nandoon pala sa tabi naghihintay yung suspek at bigla siyang nilapitan at tinaga,” ani Malabon City Police Officer-in-Charge PCol. Kenneth Mission.
Ayon kay Shiela Marie Sison, bukod sa malalalim na hiwa sa batok, may mga sugat din sa likod, braso, at tainga ang kaniyang kapatid kaya kinailangan itong agad isailalim sa operasyon. Patuloy na inoobserbahan ng mga doktor ang kalagayan ng biktima, na nakatakda ring isailalim sa Magnetic Resonance Imaging (MRI) upang mas matiyak ang kaniyang kaligtasan.
“Yung nasa batok niya, parang dalawa or tatlong slice na malalim tapos isa sa likod ng balikat, isa sa likod, dalawa dito (sa braso), dalawa sa likod ng tenga… Ginawa niyang baboy yung ate ko,” dagdag nito.
Ayon sa Malabon Police, hawak pa ng suspek ang ginamit na kutsilyo nang maaresto ito ng ilang lalaking residente sa lugar.
“Aminado naman siya dahil kitang kita naman yung pangyayari,” ani Mission.
Isa ang suspek sa mga kaibigang miyembro ng LGBT community ng biktima pero nagkasamaan sila ng loob dahil sa pagtatalo sa ilang personal na bagay. Buhat noon, nakatatanggap na umano ng mga banta sa buhay ang biktima mula sa suspek.
Paliwanag naman ng suspek, nagawa niya ang krimen dahil hindi maganda ang pagtrato sa kaniya ng biktima.
“Basta matagal na po akong nagtitiis at saka nagtitimpi na rin po. Paulit-ulit na lang po kasi [ang] parinig, pananakot, pinagtatawanan,” saad nito.
“Ayoko, hindi po. Hindi rin po ako makikipag-ayos sa kanya. Marami po kasi silang naipalabas sa akin para pagtawanan, laitin ako, kutyain, takutin ng mga tao. … Basta wala po akong pinagsisisihan,” giit pa nito.
Mariing pinabulaanan ng kapatid ng biktima ang mga paratang ng suspek at tiniyak na pananagutin ito sa kanyang ginawa.
“Definitely, yes. Ngayon ako susubok ng hustiya dito sa Pilipinas. Lahat ng mga nagkakasala, dapat managot. Ang hiling ko lang [ay] hustisya at mabulok siya sa kulungan… Sobrang sama ng loob ko. Galit na galit din ako sa kanya ngayon,” dagdag ni Sison, na nanawagan din sa netizens na huwag nang ikalat ang video ng insidente.
Bukod sa kasong frustrated murder, desidido rin ang pamilya ng biktima na sampahan ng reklamong child abuse ang suspek dahil sa trauma na idinulot ng insidente sa batang pamangkin na kasama ng biktima.