TV PATROL: 2 rider patay sa disgrasya sa daan sa Cebu at Ilocos Norte
Patay ang isang motorcycle rider matapos sumalpok sa isang armored van sa Toledo City, Cebu nitong Huwebes ng hapon.
Sapul sa CCTV ang biglang pagkaliwa ng armored van sa highway na sakop ng Barangay Don Juan Climaco Sr. patungo sa linya na binabaybay ng motorsiklo. Sa lakas ng pagsalpok, tumilapon ang rider.
Hindi na umabot nang buhay sa ospital ang biktima.
Sa imbestigasyon ng pulisya, sinubukang mag-overtake ng armored car sa sasakyang nasa harapan nito, pero bigla umano itong huminto.
Nasa kustodiya ngayon ng mga pulis ang driver ng armored van, na nahaharap sa reklamong ‘reckless imprudence resulting in homicide and damage to property.’
Sa Bacarra, Ilocos Norte naman, patay din ang isang rider matapos sumalpok ang kanyang motorsiklo sa nakaparadang trailer truck sa highway sa Barangay Buyon Huwebes ng madaling araw.
Ayon sa pulisya, nakabukas naman ang hazard lights ng truck na nasa outer lane ng highway. Hindi na naisalba ang buhay ng biktima sa pagamutan.
Hawak ng pulisya ang driver ng truck, habang patuloy ang imbestigasyon. TV Patrol, Biyernes, 6 Nobyembre 2026