TV PATROL: 4 indibidwal kakasuhan kaugnay sa pagtatapon ng labi ng mga hayop
Inirekomenda sa Department of Justice ang pagsasampa ng kaso sa may-ari ng Ahjay Paws Aftercare, sa mag-asawang crematorium operator sa Bulacan, at sa isang alyas ‘Benko’ na inutusan umano na maglibing sa mga hayop.
Ito’y kaugnay ng umano’y sunod-sunod na pagtatapon ng mga patay na aso at pusa sa San Jose del Monte, Bulacan.
Para sa ilang fur parents, isa itong mahalagang hakbang para makamit ang hustisya para sa mga namayapa nilang alagang hayop.
Sisilipin din ng NBI kung may pananagutan ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan na nag-isyu ng business permit sa mga establisyimento gaya ng Ahjay Paws Aftercare na nakapag-operate ng wala pa palang cremation machine.
Humihingi naman ng kapatawaran ang mag-asawang operator ng crematorium sa Bulacan na kausap ng Ahjay Paws Aftercare sa Bacoor, Cavite sa dapat sana’y pagsusunog ng labi ng mga hayop.