Monday, November 9, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

Magkaibigan huli sa pagnanakaw ng baterya ng trak at manok sa Cainta

Arestado ang magkaibigang edad 27 at 21 matapos magnakaw ng mga baterya ng sasakyan at mga panabong na manok sa Barangay San Andres, Cainta, Rizal. Courtesy: Barangay San Andres via Christopher Sitson, ABS-CBN News

MAYNILA — Arestado ang magkaibigang edad 27 at 21 matapos magnakaw ng mga baterya ng sasakyan at mga panabong na manok sa Barangay San Andres, Cainta, Rizal.

Sa kuha ng CCTV sa lugar noong Sabado, Nobyembre 7, kita ang pagparada ng tricycle na sinasakyan ng dalawang suspek sa tabi ng isang truck sa Hope Street mag-a-alas-6 ng umaga.

Lumapit ang isa sa kanila sa truck at nagpabalik-balik hanggang sa tuluyang ikinarga sa tricycle ang dalawang baterya na pagmamay-ari pala ng kapitan ng barangay.

“Humihinto-hinto sila, lumilingon-lingon, baka siguro kinakabahan. Nung nakalas, kinuha yung battery tapos sinakay sa tricycle,” kuwento ni Benson Conde, chairman ng Barangay San Andres.

Mabilis na umalis ang mga suspek sa lugar pero hindi pa roon natapos ang kanilang pagnanakaw.

Sa isa pang CCTV, nahagip ang tricycle na sinasakyan ng mga suspek habang tangay ang dalawang panabong na manok.

“Napansin ko yung isang suspek na lumabas ng manukan. Naaktuhan ko sila at may tricycle na naka-abang dun sa kanto. Sinundan ko lang sila. Hindi ko inabutan,” kuwento ng 52-anyos na may-ari ng mga manok.

Sa tulong ng tip ng isang concerned citizen, tuluyang nasakote ng pulisya ang mga suspek sa kani-kanilang bahay sa bayan ng Taytay nitong Linggo ng umaga.

Napag-alaman ng mga awtoridad na notoryus sa pagnanakaw ang 21-anyos na suspek.

“Sinabi nga niya na kilala niya yung mga suspect at alam niya kung nasaan. Tumawag na ko sa chief of police tapos pina-ready ko na rin yung mga tanod,” ani Conde.

Sa pinagbentahan narekober ang mga baterya na nagkakahalaga ng P15,000 na naipagbili lamang ng mga suspek nang P400. Nabawi rin sa napagbentahan ang P10,000 halaga ng mga panabong na manok na naipagbili naman nang P3,000.

“Naisangla po namin yung cellphone ng tatay ng kasama ko kaya nagawa namin iyon… Pasensya na po sa nanakawan namin ng manok,” paliwanag ng mas batang suspek.

“Bigla po kasing nagkaroon ng emergency. Pasensya na po kapitan sana mapatawad ninyo kami. Hindi na po namin uulitin,” pagsusumamo naman ng kaibigan nito.

Hindi naman nagpatinag ang mga biktima sa paghingi ng tawad ng mga suspek na ngayon ay nakakulong na sa Cainta Municipal Police Station dahil sa kasong theft.

        

Leave a Reply