Tatlong holdaper sa gasolinahan sa Bacoor, arestado sa Parañaque
Mga suspek sa panghoholdap sa isang gasolinahan sa Bacoor City, Cavite nitong Linggo, Nobyembre 8. Retrato mula sa Bacoor City Police StationMAYNILA — Arestado sa Parañaque City ang tatlong lalaking itinuturong nasa likod ng panghoholdap sa isang gasolinahan sa Bacoor City, Cavite nitong Linggo, Nobyembre 8.
Ayon sa Bacoor City Police, halos dalawang oras lamang matapos ang insidente ay natunton na nila ang mga suspek matapos silang mag-check in sa isang apartelle sa Parañaque.
Sa CCTV footage, naganap ang panghoholdap bandang alas-11 ng umaga sa isang gasolinahan sa Barangay Zapote 3 sa Bacoor.
Ayon sa pump attendant, unang nagpakarga ng P100 halaga ng gasolina ang mga suspek na sakay ng isang motorsiklo.
Matapos magbayad, pumasok ang angkas ng motorsiklo sa booth ng gasolinahan kung saan naroon ang kahera.
Makikita sa CCTV kung paano tinutukan ng baril ng suspek ang kahera bago tangayin ang dalawa niyang cellphones at kita ng gasolinahan.
“Nandoon po ang trauma ko, sir. Medyo nanginginig talaga ako. Nataranta po siya, nakuha niya ‘yong mga hundreds. Hindi na po ako lumaban. Sabi niya sa akin huwag kang kikilos, hold up to,” saad ng kahera.
“No’ng humingi ako ng tulong, binalikan ko ‘yong cashier ko, no’ng papalapit na ako, tinutukan na rin nila ako. Di na po ako nakalaban,” sabi naman ng pump attendant.
Sa isinagawang hot pursuit operation, agad na natukoy ng Bacoor police ang lokasyon ng mga suspek.
Ayon kay Bacoor City Police chief PLtCol. Alexie Desamito, nakipag-ugnayan sila sa tactical operations center ng Parañaque police.
“Pina-secure agad natin, kung may nakuha mang cellphone, ano ‘yong contact numbers. No’ng meron na tayong proximate location, tinawagan ko kaagad ang tactical operations center ng Parañaque,” ani Desamito.
Dalawang kuwarto ang inupahan ng tatlong suspek sa apartelle. Narekober sa kanila ang mga ninakaw na cellphones at pera na aabot sa P8,000.
Nakumpiska rin ang tatlong replika o pekeng baril, mga helmet, bag, at motorsiklong ginamit bilang getaway vehicle.
“Based on previous experience, gano’n talaga ang modus ng mga holdaper. Nag-u-utilize talaga sila ng mga rooms, apartelle, hotel. So ‘yon ang pinaka-convenient place for them to plan and organize,” dagdag ni Desamito.
Positibong kinilala ng kahera at pump attendant ang mga suspek batay sa kanilang mga suot na damit at tsinelas na tumutugma rin sa kuha ng CCTV.
Gayunman, itinanggi ng tatlo ang pagkakasangkot sa panghoholdap.
Bukod sa mga ninakaw na cellphones at pera, narekober din umano sa mga suspek ang ilang sachet ng hinihinalang ilegal na droga.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong robbery, illegal possession of firearms, at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.