ALAMIN: Tamang paggamit ng nakaimbak na tubig ngayong El Niño
Kailangang tiyakin na ligtas ang tubig bago ito inumin, kabilang ang tubig mula sa gripo at processed o filtered water. Mark Demayo, ABS-CBN News/FileMAYNILA — Sa panahon ng tagtuyot dulot ng El Niño, pinayuhan ng Department of Health ang publiko na tiyaking tama at ligtas ang paggamit ng nakaimbak na tubig upang maiwasan ang mga sakit at mapanatili ang kaligtasan ng pamilya.Ayon sa DOH, maaaring gamitin ang non-potable o recycled water sa pagdidilig ng mga halaman, pambuhos sa kubeta, at paglilinis ng bahay, bakuran at iba pang kagamitan.
Samantala, kailangang tiyakin na ligtas ang tubig bago ito inumin, kabilang ang tubig mula sa gripo at processed o filtered water.
Maaaring pakuluan ang tubig nang tatlong minuto at hayaang lumamig bago ilipat sa malinis at may takip na lalagyan.
Puwede ring gumamit ng chlorine tablet alinsunod sa inirerekomendang dosage.
Kailangang hayaang matunaw ang tableta sa loob ng 30 minuto bago inumin ang tubig.
Sa panahon ng tagtuyot, mahalagang tiyakin na malinis at ligtas ang tubig na ginagamit sa pang-araw-araw upang makaiwas sa mga sakit na dulot ng kontaminadong tubig.
Kabilang sa mga pangunahing sanhi ng pagtatae at pagsusuka ang pag-inom ng maruming tubig.
Dahil dito, pinayuhan ang publiko na sundin ang wastong paraan ng paglilinis at pag-iimbak ng tubig upang maiwasan ang food and waterborne diseases.
Pinaalalahanan din ang mga pamilya na takpan nang maayos ang mga lalagyan ng tubig gaya ng drum, timba at tangke upang hindi pamugaran ng lamok.