Monday, November 9, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

Anak ng kagawad sa Tondo, Maynila, arestado matapos manakit ng enforcer

MANILA — Arestado ang isang lalaki sa Tondo, Maynila matapos saktan ang isang tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) na magka-clamp sana ng kaniyang motorsiklong ilegal na nakaparada sa lugar.

Napag-alaman na anak ng isang barangay kagawad sa lugar ang suspek.

Sa isang video na kuha noong Biyernes ng umaga, Nobyembre 6, makikita ang biglaang pagtulak ng lalaki sa bitbit na pang-clamp ng isang MTPB enforcer sa Herbosa Street.

Sa lakas ng pagkakatulak, tumama sa mukha ng enforcer ang pang-clamp.

Ayon kay Barangay 110 Chairman Ramir Roda, tumanggi umano ang lalaki na ipa-clamp ang kaniyang motorsiklo kahit nabigyan na ito ng limang minutong palugit.

“Friday ng umaga. Pagdating ng Saturday, mas lalong lumala dahil medyo dumami na ‘yong mga MTPB. Same person pa rin ang sisitahin nila at ika-clamp na ulit ‘yong motor doon nagkaroon ng pambuno,” ani Roda.

Dito na inaresto ng mga awtoridad ang suspek kaugnay ng insidente.

Samantala, muling nagsagawa ng operasyon ang mga pulis at traffic enforcer sa lugar nitong Lunes ng umaga.

Nadatnan nila ang mga sasakyan ng kagawad na ama ng lalaki na nakaparada pa rin sa bangketa.

Sa video, makikita ang kagawad na nakikiusap sa mga awtoridad at umupo pa sa harap ng isa sa kaniyang mga sasakyan upang pigilan ang pag-tow dito.

Gayunman, nahatak din kalaunan ang dalawa niyang sasakyan.

“May term kasi sa atin dito sa Tondo na balagbag parking na pati bangketa at kalsada sinakop na. Ngayon nakipag-usap sila sa atin na bigyan ng consideration, alam naman na pag nagpatupad tayo ng batas it is fair and square. Pag tinow ‘yong isa, i-tow natin lahat,” saad ni PLtCol. Ronald De Leon, Raxabago Police Station Commander.

Napag-alaman naman na ang mismong kagawad ang chairman ng committee on road clearing sa kanilang barangay at ilang beses na rin umano itong pinakiusapang sumunod sa mga patakaran.

“Barangay road clearing, ginagawa naman po namin ‘yan. Kaso may time na gano’n talagang matitigas ang ulo, hindi sumusunod, kaya ipinauubaya ko na sa kapulisan. Siyempre committee niya ‘yon, dapat sumunod sa DILG saka kay yorme na mandato,” ani Chairman Roda.

Sa ngayon, nakapiit ang suspek sa himpilan ng Special Mayor’s Reaction Team dahil sa reklamong serious physical injury.

Sinampahan din ng reklamo ang dalawa pang kaanak ng kagawad matapos umanong masangkot rin sa komosyon.

Tumanggi nang magbigay ng pahayag ang pamilya ng kagawad.

Leave a Reply