Monday, November 9, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

TV PATROL: Suspek sa pagpatay sa isang nursing student sa Calapan City, sumuko

Hawak na ng mga pulis ang isang lalaki matapos sumuko at amining siya ang pumatay sa nursing student sa Calapan City, Oriental Mindoro.

Sa isang simbahan sa Legarda, Maynila, sumuko nitong Linggo ng gabi ang suspek sa pagpatay sa isang nursing student na si Altheia Maru Gabayno. 

Pastor ang kaniyang pakilala at direktang umamin sa krimen.

Ayon sa suspek, pinapaako umano ng biktima sa kaniya ang ipinagbubuntis umano nito. Sabi ng suspek, nagkita sila ng biktima para ayusin ang problema.

Sinundo siya ng biktima sakay ng motorsiklo. Pero nagdesisyon umano silang umikot sa Calapan sakay ng motorsiklo kung saan ang suspek na ang nagmaneho.

Nakarating umano sila sa isang madalim na bahagi ng kalsada at doon nagpasama umano ang biktima sa pag-ihi sa  masukal na lugar.

Pero sabi ng suspek, bigla umanong bumunot ng kutsilyo ang biktima at tinangka siyang saksakin hanggang sa magpambuno siya.

Nang magkaroon umano siya ng pagkakataon ay doon na niya naisagawa ang krimen. Giit niya, self-defense lamang ang nangyari.

Pero hindi kumbinsido ang ama ng biktima na si Roden sa pahayag ng suspek.

Ayon sa Calapan City Police, hinihimay pa nila ang resulta ng autopsy report.

Humingi ng tawad ang suspek sa pamilya ng biktima pero para sa isang ama ng nawalan ng anak, dapat pagdusahan niya ang nagawang krimen.

Exclusive, nagpapatrol, Dennis Datu. TV Patrol, Lunes, 9 Nobyembre 2026

Leave a Reply