Thursday, November 12, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

ALAMIN: Paano kumuha ng Unified PWD ID

Layunin ng bagong sistema na magkaroon ng iisang database para sa maayos na registration at mas madaling beripikasyon ng mga PWD ID. National Council on Disability Affairs

MAYNILA — Mas pinadali at pinag-isa na ang sistema ng pag-isyu ng Persons with Disability (PWD) ID sa buong bansa sa pamamagitan ng Unified PWD ID System o UPWDIS na pinamamahalaan ng National Council on Disability Affairs (NCDA) at Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Layunin ng bagong sistema na magkaroon ng iisang database para sa maayos na registration at mas madaling beripikasyon ng mga PWD ID.

Pinagkaiba ng dating ID sa Unified PWD ID

Ayon sa NCDA, ang Unified PWD ID ay bagong identification system na mayroong unique alphanumeric ID number at QR code na maaaring ma-scan upang mapatunayan ang pagiging lehitimo ng ID anumang oras.

Hindi ito katulad ng dating sistema kung saan magkakahiwalay ang database at format ng bawat local government unit.

Dahil dito, kinakailangang mag-register ulit ng mga kasalukuyang PWD ID holders sa bagong sistema upang maisama ang kanilang impormasyon sa national database.

Samantala, may lifetime validity ang ID para sa mga may apparent permanent disability habang ang mga non-apparent disabilities naman ay sasailalim sa periodic revalidation kada limang taon.

Ayon rin sa NCDA, naka-link sa national ID ng approving LGU personnel ang bagong sistema upang matukoy kaagad kung may kaduda-dudang pagdami ng inaaprubahang ID.

Proseso

Sinabi rin ng NCDA na mayroon nang unified at standardized na proseso ang pagkuha ng Unified PWD ID. 

Mga kailangang ihanda ng first time applicants:

  • Valid government o national ID para sa identity verification.
  • Medical certificate o certificate of disability na manggagaling sa lisensyadong doktor para sa mga may non-apparent disabilities.
  • 2×2 picture o digital photo para sa digital ID profile.

Mga paalala:

  • Para sa mga may first time applicant na may apparent disabilities, hindi na kailangang magsumite ng medical certificate.
  • Hindi na rin kailangang kumuha ng bagong medical certificate ang mga may valid o unexpired na lumang PWD ID dahil maaaring gamitin ang kanilang dating records, maliban na lamang kung may kailangang linawin o beripikahin.

Proseso ng aplikasyon:

  • Magtungo sa tanggapan ng PDAO o CSWDO/MSWDO ng kinabibilangang LGU upang mag-apply o magparehistro.
  • Isumite ang mga kinakailangang dokumento upang maberipika ng LGU personnel ang mga requirements.
  • I-e-encode ng LGU personnel ang impormasyon ng aplikante sa centralized UPWDIS portal ng NCDA.
  • Kapag natapos ang regional validation at approval, agad na mai-isyu ang Unified Digital PWD ID. Maaari ring humiling ng printed physical card kung kinakailangan.

Mayroon ding mobile at assisted registration services ang mga LGU para sa mga nahihirapang bumyahe o sa mga nakatira sa geographically isolated and disadvantaged areas.

Maaaring mag-apply ng Unified PWD ID ang mga mayroong:

  • Visual impairment o pagkabulag
  • Physical/Orthopedic disability o may pisikal na kapansanan
  • Deaf o Hard of Hearing
  • Intellectual disability
  • Learning disability 
  • Psychosocial disability
  • Mental disability 
  • Non-apparent speech and language impairment o kapansanan sa pananalita
  • Cancer o cancer survivor
  • Rare disease

Maaaring magamit ang PWD ID para sa 20 percent discount at VAT exemptions para sa mga personal na konsumo ng gamot, medical at dental services, laboratory at diagnostics tests, professional fees ng doktor, rehabilitation at therapy services, restaurant at fast foods, hotel, sinehan, concert, at domestic air, sea, at land transportations.

PANOORIN:

Leave a Reply